Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaIlocoHiligaynon

 

Earth Day: Protesta kontra reklamasyon. Nagsama-sama ang mga mangingisda, grupong maka-kalikasan, mga taong-simbahan at residente ng mga komunidad sa paligid ng Manila Bay sa isang porum at protesta sa Caloocan City at Navotas City noong Abril 20, bilang bahagi ng paggunita sa Earth Day noong Abril 22. Iginiit nila ang kagyat na pagpapatigil sa mapangwasak na Navotas Bay Reclamation Project at iba pang reklamasyon at dredging sa Manila Bay at sa ibang bahagi ng bansa.

Ilitaw si William Lariosa. Muling ipinanawagan ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region at Anakbayan-Southern Mindanao sa isang protesta noong Abril 25 sa Davao City ang kagyat na paglilitaw sa dinukot na organisador ng mga manggagawa na si William Lariosa, 63. Dinukot siya ng mga ahente ng 48th IB noong Abril 10 sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon.

Piket para sa CBA. Muling nagprotesta ang mga manggagawa ng PhilFoods Fresh Baked Product Inc sa National Conciliation and Mediation Board Region IV-A sa Calamba, Laguna noong Abril 24 para kundenahin ang deadlock o pagtanggi ng kapitalista ng PhilFoods na ibigay ang dagdag sahod at mga benepisyong hinihingi nila sa kanilang CBA.

Ika-31 Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag. Nagsagawa ng protesta ang mga mamamahayag at estudyante sa pamamahayag noong Mayo 3 para gunitain ang ika-31 Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag. Inilunsad nila ang pagkilos sa UP Diliman at sa Boy Scout Monument sa Quezon City at nanawagan ng hustisya para sa lahat ng pinaslang na mamamahayag at biktima ng paglabag sa karapatan sa malayang pamamahayag sa bansa. Sa unang 22 buwan sa poder ng rehimeng Marcos, naitala ng mga grupo ang 135 insidente ng paglabag sa karapatan sa malayang pamamahayag.

Mga protesta