₱170 milyon, winaldas ni Marcos Jr. para sa pasilidad-militar ng US
Kasabay ng pagbibigay-limos sa mga Palaweño na nasalanta ng El Niño, ipinagyabang ni Marcos Jr. noong Hulyo 18 ang malapit nang matapos na paliparan para sa base militar ng US sa isla ng Balabac. Pinondohan ito ng ₱170 milyon ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas.
Ang proyektong ito ay alinsunod sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na pinirmahan ng Pilipinas at US noong 2014. Taliwas sa pinapakalat ng gubyerno ni Marcos II na ang EDCA ay “tulong” at “pagtatanggol” ng imperyalistang US sa Pilipinas laban sa tumitinding presensyang-militar ng China sa West Philippine Sea, ito ay tagibang na kasunduang nagbibigay ng higit na kapangyarihan sa US na ligal na gamitin ang teritoryo at ultimong pondo ng bayan ng Pilipinas para sa paghahanda at pagposisyon nito sa napipintong gera laban sa China.
Paglilinaw ni Marco Valbuena, Chief Information Officer ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang pagmamadali ng konstruksyon ng runway sa Balabac ay pagpapakita ng paninikluhod ng rehimen sa among imperyalista. Plano umano ng US na gamitin ang nasabing isla sa Palawan bilang base-militar nito para sa pagposisyon ng kanyang mga armas-pandigma at mga tropang Amerikano. Salungat ito sa naunang deklarasyon ni Marcos Jr. na nais niyang “pahupain” ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Binatikos ng PKP ang paglustay ni Marcos Jr. ng pondo ng sambayanang Pilipino sa mga katulad na proyekto para sa kanyang among imperyalistang US sa gitna ng walang-humpay na pagsirit ng presyo ng mga bilihin, barat na sahod, at pananalanta ng mga kalamidad.