Sa panahon ng bagyong Butchoy at Carina, Rehimeng Marcos II, pabaya at inutil
Nalantad ang kriminal na kapabayaan, kainutilan at mga depektibong proyekto ng reaksyunaryong gubyerno ni Marcos Jr. sa lala ng pinsalang tinamo ng mamamayan sa paghagupit ng bagyong Butchoy at Carina nitong Hulyo.
Walang-tigil at malakas na mga pag-ulan ang dinala nina Butchoy at Carina sa bansa, na nagpalala sa habagat. Dulot nito, maraming mga probinsya sa Luzon at maging ang NCR ay lumubog sa matataas na baha at nakaranas ng flashflood at pagguho ng lupa na nakapinsala sa napakaraming buhay, kabuhayan at imprastraktura. Dahilan ito upang ipasailalim ang mga probinsya ng Batangas, Cavite, at Oriental Mindoro sa Timog Katagalugan; Bulacan at Bataan sa Gitnang Luzon; at lahat ng mga lungsod sa NCR sa state of calamity simula pa noong Hulyo 25.
Sa tindi ng pinsala, kinwestyon ang integridad ng higit P244-bilyong-halagang mga proyekto ng rehimeng US-Marcos II na umano’y para sa “pagkontrol ng baha”, na nauna niyang ipinagmayabang sa kanyang ikatlong SONA. Nalantad din ang pagpapabaya ni Marcos Jr. pagdating sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapauna ng interes ng mga kapitalista.
Ayon mismo sa tala ng reaksyunaryong gubyerno, umabot sa 46 ang namatay sa kasagsagan ng mga bagyo, 14 pa ang nasugatan, at 5 ang nawawala. Sa kabuuan, nasa mahigit 6.1 millyong Pilipino o 1.6 milyong pamilya ang nasalanta ng nasabing kalamidad. Sa mga ito, mahigit isang milyong indibidwal ang napalikas mula sa kanilang mga tirahan.
Malaking dagok din sa sektor ng agrikultura at sa mga masang magsasaka ang pinsalang dala ng mga nagdaang bagyo. Sa pagtaya ng NDRRMC, nasa mahigit P1.3 bilyon ang kabuuang halaga ng mga nasirang pananim at palaisdaan na nakaapekto sa higit 47,000 magsasaka at mangingisda. Ayon sa paunang ulat ng DA, mahigit P251 milyon ang naging pinsala ng bagyong Carina sa mga pananim, kung saan 90 porsyento nito ay palay habang higit 5 porsyento ay mais. Pinakamalala ang pinsalang ito sa mga probinsya ng Cotabato (P65 milyon), Oriental Mindoro (P59 milyon), at Pampanga (P40 milyon).
Dagdag pang ulat ng National Irrigation Administration-IV-A, aabot sa P29.1 milyon ang halaga ng nasirang irigasyon sa CALABARZON.
Nasira rin ang nasa 90 eskwelahan sa Luzon at Visayas dahil sa bagyong Carina, ayon sa ulat ng DepEd. Dagdag pa ng DepEd, 324 eskwelahan ang ginamit para maging evacuation centers, na naging sanhi ng suspensyon ng mga klase sa mga lugar na ito.
Kabalintunaang ipinagmamalaki ng reaksyunaryong gubyerno ang P70 milyong ayudang ipinamahagi nito na malinaw na kakarampot para magkasya sa milyong apektado ng kalamidad. Walang linaw naman kung kailan ilalabas ng DBM ang P11 bilyong ayuda na pangako ni Marcos Jr.