Ang pakikibaka kontra-dam ng mga Dumagat-Remontando sa Sierra Madre
Binuod ng awit na On Potok ang pakikibaka ng mga Dumagat-Remontado sa Sierra Madre. Ayon sa awit, nagdala ng ligalig sa tahimik na pamumuhay ng mga katutubong Dumagat at Remontado ang mga ipinasok na mapangwasak at makadayuhang proyekto.
Matatagpuan sa Rizal, Hilagang Quezon hanggang timog ng Gitnang Luzon ang mga pambansang minoryang Dumagat at Remontado. Binansagan silang Dumagat dahil una silang namuhay sa baybay-dagat. Nang dumating ang dayuhang mananakop, pati ang mga etnolingwistikong grupong Tagalog, Bikolano, Bisaya at iba pa, naitulak nang naitulak ang mga katutubong Dumagat papunta sa kabundukan. Bunsod ng pamumuhay ng ilang komunidad ng mga Dumagat kasama ang iba pang mga grupong ito, ang mga hindi na purong katutubo ay tinawag nang “Remontado” o yaong nagbalik sa kabundukan.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang mayorya ng mga Dumagat at Remontado sa baybayin—ng dagat at ilog. Sa baybay-dagat, karamihan sa kanila ay nabubuhay sa pagkokopra, pagtatanim, at pangingisda. Ang mga nasa kabundukan at baybaying-ilog ay kadalasang palipat-lipat ng tirahan, namumuhay sa pagyayantok, paggiginto, at maliitang pagtatanim.
Ligalig ng mga proyektong dam
Dahil sa yaman ng Sierra Madre sa mga ilog at sapa, pangunahin itong pinaglalawayan ng mga imperyalista, PML-MBK at burukrata-kapitalista upang tayuan ng mga dambuhalang dam. Mula pa panahon ng diktadurang US-Marcos I, iniabante na ang mapangwasak na mga proyektong dam tulad ng Wawa at Laiban Dam sa Rizal. Layunin diumano nito na tugunan ang lumalaking pangangailangan sa tubig at kuryente ng Metro Manila. Ang totoo, hindi ito para tustusan ang pangangailangan ng karaniwang mga konsumer. Sa halip, susuplayan nito ng tubig at kuryente ang malalaking negosyo tulad ng mga hotel, resort, at mga empresa gayundin ang mga proyektong mina at quarry. Binabaluktot ang katotohanan tungkol sa palyadong serbisyo sa tubig ng mga concessionaire upang bigyang katwiran ang pagtatayo ng mga dam.
Palalayasin ang mga katutubong Dumagat-Remontado mula sa kanilang lupang ninuno para bigyang-daan ang konstruksyon ng dam. Paaalisin ang mga komunidad sa mismong sayt ng konstruksyon ng dam at pati ang naninirahan sa ilaya ng mga ilog at sapa. Sa kaso ng Wawa Dam sa Rizal, hindi lamang ang mga nasa Wawa ng Montalban at Tayabasan sa Antipolo ang apektado kundi pati ang nasa Uyungan ng Montalban. Sa Kaliwa-Kanan-Laiban Dam, pitong barangay sa Tanay, Rizal at ang malalawak na barangay ng Brgy. Pagsangahan, Gen. Nakar at Brgy. Magsaysay, Infanta ng Hilagang Quezon ang apektado.
Ayon sa reaksyunaryong gubyerno, nasa 30% na ang konstruksyon ng dam noong Marso 2024. Tinututulan din ang konstruksyon ng dam dahil kinakalbo at binubutas nito ang kabundukan at pinahihina ang lupa na sanhi ng malala at nakamamatay na mga landslide at baha.
Malaking banta sa sariling pagpapasya, karapatan sa lupa at pamumuhay ng mga katutubong Dumagat-Remontado ang mga proyektong dam. Bukambibig ng rehimen nina Duterte at Marcos Jr., na kinikilala nila ang karapatan ng mga katutubo. Ipinatutupad umano ang free, prior and informed consent (FPIC) ngunit sa mga “konsultasyon” noong 2018 sa General Nakar, marami sa mga katutubo ang hindi pinagsalita. Dahil dito, inalisan ng reaksyunaryong gubyerno ang mga katutubong Dumagat at Remontado ng karapatan na pagpasyahan ang mga usaping may kinalaman sa kanilang lupa, kabuhayan at pamumuhay. Ginagamit pa ng reaksyunaryong gubyerno ang mga FPIC para hatiin ang pagkakaisa ng mga komunidad. Pinepeke rin ito upang palabasing pumayag ang mga komunidad.
Militarisasyon at paglabag sa karapatang-tao
Kaakibat ng mga proyektong dam ang pinatinding operasyong militar, pagtatayo ng mga bagong kampo-militar, at mga paglabag sa karapatang-tao. Noong 2018, naglunsad na ng clearing operations ang 80th IBPA para sa Kaliwa-Kanan-Laiban Dam. Sinaklaw ng AFP, katuwang ang SAF-PNP, ang lalawigan ng Rizal hanggang Hilagang Quezon. Tinadtad ng kampo at matagal na hinimpilan ng 80th IBPA ang Brgy. Puray ng Montalban at Brgy. San Jose at Brgy. Calawis ng Antipolo.
Dahil sa mga ito, naging talamak ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao tulad ng harassment, pagbabanta, pagmamanman, red-tagging at sapilitan at pekeng pagpapasuko. May mga kaso rin ng physical assault at coercion. Pinakamalala rito ang isinagawang Bloody Sunday Massacre noong Marso 7, 2021. Kabilang sa mga biktima sina Puroy at Randy Dela Cruz, mga katutubong Dumagat at Remontado na tutol at lumalaban sa proyektong Kaliwa-Kanan-Laiban Dam. Karumaldumal silang pinatay sa kanilang bahay sa harap ng kanilang mga kaanak. Iniulat ng mga saksi na binayo pa ng halo ang katawan ni Puroy at kinaladkad naman ng trak ng sundalo ang labi ni Randy.
Mayamang kasaysayan ng pakikibaka
Mula dekada 70 hanggang kasalukuyan, naglulunsad ang mga Dumagat-Remontado ng iba’t ibang pakikibaka para labanan ang mga mapangwasak na proyektong dam sa Sierra Madre. Binuklod ang mga ito ng mga organisasyong masa na pinamunuan ng mga lider-katutubo tulad ng martir na si Nicanor “Ka Kano” Delos Santos. Pinaslang si Ka Kano noong Disyembre 8, 2001 habang nasa kilos-protesta laban sa pagbisita ni GMA sa Antipolo City ng sundalong kabilang sa security escort ng dating presidente. Sa kanilang pagkilos, napagtagumpayan nilang ipatigil ang konstruksyon ng Laiban Dam sa Rizal. Noong 2019, naantala ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa Hilagang Quezon dahil sa malakas na pagtutol ng mga Dumagat-Remontado. Nakiisa sa mga katutubo ang iba pang mga sektor ng lipunan kagaya ng mga kabataang estudyante, taong simbahan, lingkod bayan at grupong makakalikasan.
Naglunsad din ng mga aksyong militar ang yunit ng BHB upang pigilan ang konstruksyon ng dam. Noong 2019, ginawaran ng hakbang pamamarusa ang Northern Builders, isang sub-contractor na gumagawa ng kalsada para sa konstruksyon ng Kaliwa Dam sa Hilagang Quezon. Taun-taong nagpoprotesta ang mga katutubong Dumagat at iba pang sektor upang tutulan ang konstruksyon ng mga dam sa Sierra Madre. Nagsasagawa sila ng mga symposium at forum at noong 2022, nagdaos ng alay lakad para ipatigil ang konstruksyon. Umabot na rin sa United Nations ang daing ng mga katutubo noong Enero 2024.
Hindi mabubura ang kasaysayan ng paglaban ng mga katutubong Dumagat at Remontado sa Sierra Madre, na siya namang nagluwal ng pagtatamasa ng mga katutubo sa kanilang mga karapatan. Sa kasalukuyan, ang kasaysayan na ito ang ginugunita, pinahahalagahan, at muling pinalalaganap ng mga rebolusyonaryong katutubo sa mga susunod na henerasyon. Bukal ito ng inspirasyon para sa pagpapatuloy ng pakikibaka ng mga Dumagat-Remontado sa nagbabanta pang mga proyekto sa Sierra Madre.