Higit na pinalala ng neoliberalismo ang MKMP na lipunang Pilipino

Sa nagdaang dalawang dekada, nahubad na ang makinang na bihis ng neoliberalismo. Inamin na ng mga nagsulong ng neoliberalismo na bangkarote ang patakarang neoliberal at hindi nagdulot ng pag-unlad ng kabuhayan ng mamamayan. Sa isang masaklaw na pag-aaral sa mga programa ng International Monetary Fund (IMF) na inilathala noong Mayo 2016, binatikos ng mga ekonomista ang mga patakarang neoliberal na sila mismo ang nagtulak.

Noong panahon ng pandemyang COVID-19, nakita ang anti-sosyal na katangian ng neoliberalismo. Bigo itong isalba ang mundo dahil bumagsak ang sistema ng pampublikong kalusugan at dumausdos ang pandaigdigang produksyon na nagpabilis sa krisis pang-ekonomiko. Pinalakas nito ang panawagang itakwil ang neoliberalismo at palitan ang nabubulok na sistema ng monopolyo kapitalismo.

Pinakamatinding sinalanta ng neoliberalismo ang mga malakolonyal at malapyudal (MKMP) na bansa gaya ng Pilipinas. Maagang bahagi ng dekada 1980 sa ilalim ng diktadura ng matandang Marcos sinimulang ipatupad sa Pilipinas ang neoliberalismo. Sa ilalim nito, ipinatupad ang patakarang liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon. Kapalit ng bagong mga pautang ng International Monetary Fund(IMF) at World Bank(WB), iniutos ng dalawang pandaigdigang institusyong ito ang liberalisasyon sa pag-aangkat. Ipinatupad noong 1981 ang Tariff Reduction Program 1 (TRP1) na nagpababa sa taripa mula 100% tungong 10-50% lamang.

Pagkabagsak ng diktadurang Marcos Sr, kabaligtaran ng inaasahang pagbabago ng sambayanang nagpatalsik sa diktador, lalong bumwelo ang diktang patakaran ng IMF-WB sa ilalim ng rehimen ni Corazon Aquino(1986-1992) at Fidel Ramos(1992-1998). Higit nitong isinandal ang bansa sa dayuhang pamumuhunan at pinasahol ang pagiging palaasa ng bansa sa pag-iimport ng mga susing kasangkapan sa produksyon habang nag-eeksport ng murang hilaw na materyales at lakas paggawa.

Kabi-kabilang isinapribado ang mga empresang pang-estado at pinapasok ang pamumuhunan ng malalaking dayuhan sa sektor ng pagbabangko, langis, tubig, kuryente, telekomunikasyon at iba pang mahahalagang sektor ng ekonomya. Noong rehimeng US-Ramos, isinapribado ang mga tollway, Petron, NAWASA at iba pang korporasyon ng gubyerno. Ipinagpatuloy na lamang ng sumunod na mga rehimen ang pagpapalalim ng pasok ng dayuhang pamumuhunan sa bawat himaymay ng lokal na negosyo at pamilihan, magmula kay Estrada, Arroyo, Benigno Aquino III, Duterte at hanggang sa ngayon, kay Marcos Jr. Sa ilalim ni Arroyo, isinapribado ang mga pampublikong ospital at isinailalim sa deregulasyon ang industriya ng kuryente samantalang isinagad ito ni rehimeng US-Aquino II sa pagpapatupad ng programang Public-Private Partnership na nagpaubaya sa mga kapitalista na paganahin ang pampublikong imprastraktura.

Alinsunod sa dikta ng gubyernong US, sinikap ng magkakasunod na rehimen ang pagpapatupad ng chacha o pag-amyenda sa konstitusyong 1987 upang tuluyang alisin o ipawalambisa ang mga probisyon nitong nagtatakda ng mga hangganan sa dayuhang pamumuhunan at pagmamay-ari ng lupa. Pinakahuling nagsikap si Marcos Jr. na ipatupad ang chacha para ihandog ang 100% pagmamay-ari sa patrimonyang yaman ng Pilipinas at negosyo na may nalalabi pang proteksyon kabilang ang kuryente, langis, tubig, daungan, pampublikong transportasyon, edukasyon at media and advertising. Bagamat binigo ang mga ito ng malakas na paglaban ng sambayanan, nagpatupad naman ng mga batas ang mga rehimen alinsunod sa neoliberal na mga patakaran at programa.

Patunay ng matinding dagok sa ekonomya ng neoliberalismo ang mabilis na pagsasara ng mga maliliit at katamtamang laking empresa na kalakha’y pagmamay-ari ng mga lokal na negosyante. Noong 1997-2006, sa bawat tatlong bagong mamumuhunan, 20 empresa ang nagsara. Halos lahat nito’y maliliit, pinatatakbo ng mga negosyanteng Pilipino at nakatuon sa lokal na merkado. Hindi nila kayang makipagkumpetisyon sa mga dayuhang kapitalista at naggugupo sila ng krisis dahil sa kawalan ng suporta ng gubyerno sa mga lokal na negosyante.

Ang mga pinsalang dulot ng neoliberalismo sa Pilipinas

Sa apat na dekadang pag-iral ng neoliberalismo sa Pilipinas, higit na umatras ang lokal na ekonomya at kabuhayan ng mamamayan. Binarat ang sahod ng manggagawa at hindi nito nilikha ang ipinapangakong bilang ng hanapbuhay. Higit na sumadsad ang agrikultura sa harap ng todong liberalisasyon ng kalakalan at pagpasok ng angkat na produktong agrikultural. Ibayo pang lumala ang de-industriyalisasyon ng Pilipinas.

Bilang antidote ng kilusang paggawa, pangunahing inatake ng neoliberalismo sa Pilipinas ang noo’y lumalakas na kilusang manggagawa. Inilatag ng Wage Rationalization Act, Herrera Law at National Labor Relations Act noong rehimeng US-Aquino I ang pundasyon ng neoliberal na paghambalos sa sahod at lahat ng batayang karapatan ng manggagawa, pangunahin ang pag-uunyon. Sinundan ito ng rehimeng US-Ramos ng pagsasabatas sa Special Economic Zone (SEZ) Act kaya’t parang kabuteng nagsulputan ang mga engklabo/SEZ sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mistulang ikinulong sa isang napakalaking hawla ng mga pagawaan ang mga manggagawa sa loob ng mga engklabo para ganap silang ihiwalay sa kabuuan ng lipunan at isailalim sa matinding pagsasamantala para sa pagpiga ng labis na halaga.

Sa balangkas ng Project CALABARZON, ang rehiyong 4A ngayon ang konsentrasyon ng pinakamaraming engklabo na nagpapatupad ng walang patumanggang kontraktwalisasyon at pleksibilisasyon sa paggawa. Katunayan, sa CALABARZON, ipinatupad ang DOLE Wage Order No.IVA-17 na naghati sa rehiyon sa tatlong kategorya: ang growth corridor area, emerging growth area at resource based area. Sinimulan ito noong Hunyo 2016. Bago pa ito, taong 2012 nang ipinatupad ang two-tiered wage system na nagpababa pang lalo sa sahod ng manggagawa. Hinati nito sa dalawang saray ang sahod—una, ang floor rate na mas mataas lamang ng kaunti sa itinakdang poverty threshold at ang ikalawa, ang productivity-based pay na depende sa perpormans o indibidwal na kontribusyon ng mga manggagawa sa kumpanya. Lalo nitong inilugmok ang sahod ng isang bahagi ng mga manggagawa sa antas na mas mababa pa sa pambansang abereyds at pinahirapang itaas ang sahod.

Sa bisa ng mga neoliberal na patakaran, binansot ng imperyalismong US ang Pilipinas at ginawang taga-suplay na lamang ng murang lakas paggawa at hilaw na materyales. Sa pagdating ng mga industriyal na engklabo, sinamantala ang murang sahod, mga insentiba at pabor sa buwis at ang deregulasyon upang magtayo ng mga empresa na mag-aasembol ng mga produktong ibebenta sa labas ng bansa. Pinili ang Timog Katagalugan bilang pangunahing lokasyon ng mga economic processing zones kung saan namamayagpag ang 36 eco-zones. Limitado ang pagmanupaktura ng elektroniks sa pag-asembol, pagpakete at testing ng gawa nang mga pyesang elektroniko. Ang pagmamanupaktura ng mga pyesang sasakyan ay sumasaklaw lamang sa pagwewelding, pagpipintura, trimming at inspeksyon. Sa tela, walang pagpoproseso ng lokal na mga materyales kaya mahigit 80% ng ginagamit na hilaw na materyal ay inaangkat mula sa China, Taiwan, Hongkong at India.

Pero dahil tubo ang nagtutulak sa pamumuhunan, parang sakit ng tiyan ang pagpasok at paglabas ng mga dayuhang empresa. Kapag bumubuti ang kalagayan ng kalakalan, dumarami ang nagtatayo ng negosyo. Kapag sumasama ang klima ng kalakalan, biglang nagsasara o di kaya ay naglilipatan ang dayuhang mga empresa patungo sa “mas berdeng pastuhan”. Ang ganitong kalagayan ay nagdudulot ng pagiging bansot ng industriya. Walang naipupundar sa mga batayang industriya gaya ng industriya ng bakal, kemikal at paggawa ng presisong instrumento.

Unti-unting pinapatay ng neoliberalismo ang lokal na agrikultura ng bansa bilang tugon sa mga kasunduan sa WTO na gawing tagabili ng sarplas na mga produktong pagkain. Bigyang-daan nito ang walang-habas na importasyon ng mga dayuhang produktong agrikultural. Patunay dito, naitala sa nakaraang taon ang pinakamababang produksyong agrikultural sa kasaysayan ng bansa.

Sinistematisa nito ang pagpasok ng kapital sa lupang agrikultural habang ipinagkait ang tunay na reporma sa lupa sa masang magsasaka. Isinailalim ang lupang agrikultural sa ispekulasyon sa pamilihan at nirekonsentra ito sa kamay ng mga MBK-PML upang gawing mas madulas ang pagtatayo ng mga negosyo kagaya ng malawakang plantasyon, proyektong mina at pagpapalit-gamit ng lupa tungong komersyal-industriyal-eko-turismo.

Tuluyang inabandona ng estado ang pagpapaunlad ng lokal na agrikultura kahit malagay sa balag ng alanganin ang seguridad sa pagkain ng bansa. Binawasan nang binawasan ang suporta ng estado sa mga magsasaka. Ang mga ginagamit na farm inputs maging ang mga binhi ay lubusang iniasa sa pag-angkat. Hindi inasam ang mekanisasyon ng pagsasaka bagkus hinayaang maliitan, hiwa-hiwalay at atrasado ang sistema ng produksyon.

Hindi kataka-takang mananatiling atrasadong agraryo’t di-industriyal na bansa ang Pilipinas. Ibebenta sa napakamurang halaga ang mga hilaw na materyales sa anyo ng hilaw na mineral ore o produktong agrikultural na idadaan pa sa pagpoproseso sa ibang bansa kagaya ng copra, coco oil, raw sugar, tobacco, manila hemp, at mga produktong dagat.

Ilang dekada nang baon sa utang ang estado dulot ng mababang kita matapos tanggalin ang mga taripa at di pagbubuwis sa malalaking kumpanya bilang insentibo. Para punuan ito, ipinapataw ng estado sa ordinaryong mamamayan ang paglikom ng kita ng gubyerno sa pamamagitan ng pagbubuwis sa kanilang kita, mga batayang produkto at serbisyo. Sa kumpas ng neoliberalismo, iniatas ang pagtitipid sa mga serbisyong sosyal at pampublikong imprastraktura kaya itinutulak ang pribatisasyon ng mga ospital, eskwelahan at mga utilidad.

Pangita ito kung paano gumagana ang serbisyo ng tubig ng mga kumpanyang Prime Water, Maynilad at Manila Water na paputul-putol ang daloy ng tubig sa mga gripo, ang serbisyo ng kuryente ng Meralco na mayat-maya ay nagtataas ng singil pero madalas ang brown-out, at ang telekomunikasyon na kontrolado ng Globe/TM at Smart/TNT na laging may mga dropped calls, isa sa may pinakamabagal na internet sa Asia at mataas ang singil; ang mga expressway na SLEX at NLEX na kontrolado na ng SMC ni Ramon Ang na palpak ang sistemang RFID habang walang pag-unlad sa kongkretong kalsada ng tollway at marami pang ibang isinapribadong utilidad.

Walang dapat gawin ang mamamayang Pilipino kundi ang ilantad at puspusang labanan ang patakarang neoliberal ng imperyalismong US bilang salot na dapat ibasura. Tanging sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan mawawakasan ang nagpapatuloy na paglala ng kahirapan at kagutumang idinudulot ng pagiging atrasado, agraryo at di industriyalisadong katangian ng ekonomya ng bayan.

Higit na pinalala ng neoliberalismo ang MKMP na lipunang Pilipino