Editoryal, Kalatas September 2024 Ilantad at ihiwalay ang ganid sa kapangyarihang pamilya Marcos

Kinamumuhian ng sambayanang Pilipino ang pamilya Marcos, ang kinatawan ngayon ng pinakabulok na pangkatin ng naghaharing uri at tuta ng imperyalismong US. Sila ang mukha ng kabulukan ng burukrata kapitalismo at pasistang estado na nagpapahirap sa bayan. Lantaran silang nangangayupapa sa imperyalismong US, kabi-kabilang nandarambong sa pera ng bayan, labis na nagpapabaya sa mga nagdaang kalamidad at karaingan ng mamamayan at patuloy na naghahasik ng pasismo sa iba’t ibang dako ng bansa.

Matatandaang nakabalik ang mga Marcos sa kapangyarihan dahil sa malawakang pandaraya noong eleksyong 2022, sa tulong ng nagdaang tiranikong administrasyong Duterte. Para ganap na selyuhan, binasbasan ng imperyalismong US ang pagkakaluklok kay Ferdinand Marcos Jr. bilang ilehitimong presidente. Sa harap ng pagpapatalsik ng taumbayan, ang mga Marcos ay kinupkop ng US hanggang sa muling makapasok at makalahok sa pulitika sa reaksyunaryong gubyerno. Hinayaan ng US at mga nagdaang administrasyon na mapanatili ng mga Marcos ang kanilang iligal na yaman at maluwag na nakapwesto sa kanilang mga balwarte na naging puhunan sa pagbabalik sa tuktok ng estado poder. Tinuntungan ng mga Marcos ang alyansa nito sa mga Duterte na kalauna’y ilalaglag din upang masolo ang pampulitikang kapangyarihan at yaman.

Kapalit ng suporta at pananatili sa Malakanyang, nagpapakatuta si Marcos sa imperyalismong US. Mulat na nagpapagamit si Marcos sa niluluto ng US na gerang agresyon sa Asia Pacific laban sa China na nagsasapanganib sa buhay ng mamamayang Pilipino. Ibinukas niya ang Pilipinas para gawing daungan at sanayan ng mga tropang Amerikano at iba pang dayong pwersa. Sa kumpas ng US, ipinagpatuloy rin ni Marcos ang mga neoliberal na patakaran na nagsadsad sa ekonomya ng bansa. Pinapakana niya ang tuluyang pagbubuyangyang sa patrimonyang yaman ng Pilipinas sa mga dayuhang korporasyon sa pamamagitan ng charter change. Pinanatili niya ang ekonomyang nakasalig sa pag-iimport ng mga susing kagamitan sa produksyon, maging ng mga kagamitang pangkonsumo at nakatudla sa pag-eeksport ng mga hilaw na materyales at murang lakas-paggawa. Pinasidhi niya ang pagpatay sa kabuhayan ng mga magsasaka sa paglalabas ng Executive Order No. 62 na nagbawas ng taripa sa importasyon ng bigas at iba pang produkto. Isinabatas niya pa ang Maharlika Investment Fund para tiyakin ang direktang paghawak sa bilyun-bilyong pisong pondo sa tabing ng pagpapalago nito.

Sa pagbabalik-poder ng mga Marcos, kinonsolida nila ang sariling kapangyarihan sa pagtatalaga ng pinakamatatapat na alipores sa gabinete. Tiniyak din ng mga Marcos na pinamumunan ngayon ang Senado at Kamara ng mayorya ng kanilang mga kampon. Sa Senado, isinalya si Zubiri para ipwesto si Chiz Escudero at sa Kamara ang pinsang si Martin Romualdez. Nagkaroon din ng balyahan sa hanay ng AFP-PNP kung saan tinanggal ang mga tauhan ni Duterte at ipinalit ang mga heneral na kabig nina Marcos.

Tuluyan nang gumuho ang alyansang “Uniteam” dahil hinahangad ng mga Marcos na monopolyohin ang kapangyarihan habang nangangarap naman ang mga Duterte na makabalik sa tuktok ng kapangyarihan. Sa pagkontrol ni Marcos sa sindikato sa iligal na droga, inilipat niya ang negosyo mula sa kartel ng China tungo sa kartel ng US-Mexico Sinaloa. Kinansela rin ni Marcos ang mga binuong kontrata ni Duterte na mga proyektong imprastraktura sa China at inilipat ito sa Japan at US kasosyo ang mga burgesya komprador at kroni na sina Ramon Ang, Enrique Razon, Manny Pangilinan, Manny Villar at mga Aboitiz. Sa kumpas ng US, itinulak ni Marcos Jr. Ang Sinophobia laban sa China at sambayanang Tsino.

Layon ng mga Marcos na durugin ang mga Duterte habang kinokonsolida ang sariling kapangyarihan. Katunayan, nakuha na ng paksyong Marcos-Romualdez ang suporta ng mga mayor na partidong pulitikal na dating kakampi ni Duterte para sa eleksyong 2025. Iginigisa nina Romualez at mga alyado ni Marcos ang mag-amang Rodrigo at Sara sa sariling mantika—isyu ng POGO, droga at korapsyon sa pondo.

Kung tutuusin, walang karapatan ang mga Marcos na magmalinis dahil magkakulay sila ng budhi ng mga Duterte. Nahulma ang pagkapasista ni Duterte sa pag-idolo niya sa rekord ng matandang Marcos. Duguan ang kamay ng pamilya Marcos kung saan naitala ang 107,240 kaso ng paglabag sa karapatang tao, 3,240 pinatay, 34,000 tinortyur at 783 desaparecidos mula 1972-1981 sa panahon ng Martial Law ng diktadurang rehimeng US-Marcos I. Bukod sa brutalidad noong Martial Law, tinatayang $5-10 bilyong halaga ang ninakaw-na-yaman ng mga Marcos na itinuring na pinakamalaking pandarambong ng isang gubyerno sa kasaysayan ng mundo. Hindi rin dapat kalimutan na maging ang kasalukuyang mga mayor na kampon at tauhan ni Marcos sa kanyang gabinete tulad ng sagad sa pagkapapet at pasistang si Eduardo Año ay mga masugid na tagapagpatupad sa mga anti-mamamayang programa at patakaran ng rehimeng US-Duterte at sa gayon ay dapat na kasama sa managot sa krimen laban sa sangkatauhan.

Pagbubudbod ng asin sa mga sugat ng mga biktima ng Martial Law at kanilang kaanak ang pagbabansag ng mga Marcos sa Martial Law bilang “ginintuang panahon” sa kasaysayan. Gamit ang pekeng balita at disimpormasyon, minanipula ng mga Marcos ang masmidya at internet sa layuning ibaon sa limot ang kanilang mga krimen at gawing mangmang ang kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino. Ipinabasura pa ng mga Marcos ang malalaking kasong pandarambong na hindi bababa sa ₱202.1 bilyon akumulasyon ng iligal na yaman sa panahon ng Martial Law. Hanggang ngayon, hindi pa rin napapanagot ang mga Marcos at kroning sina Danding Cojuangco, Maria Clara Lobregat at Juan Ponce Enrile sa pagnanakaw ng ₱9.8 bilyong pondong coco levy na nalikom mula 1972-1983 lamang.

Hibang ding ibinalik ni Marcos ang mga palpak na programa ng matandang diktador noong Martial Law tulad ng Masagana 200, dating Masagana 99 at pati ang islogang “Bagong Pilipinas” sa “Bagong Lipunan”. Kung matatandaan, ibinaon ng Masagana 99 ang mga magsasaka sa utang dahil sa pag-oobliga sa mga magsasakang gamitin ang high yielding variety ng palay na labis na umaasa sa napakamahal na pestisidyo at abono. Ngayon, ang Masagana 200 ay behikulo para sa malawakang rekonsentrasyon ng lupa ng mga panginoong maylupa-malaking burgesya komprador. Samantala, nagpapatuloy ang labor export policy na pinasimulan ng matandang Marcos, pang-aatake sa karapatang mag-organisa at mag-unyon at pambabarat sa sahod sa gitna ng napakataas na implasyon.

Ipinagpapatuloy ng batang Marcos ang lagim ng Martial Law sa bisa ng Anti-terrorism Law na minana kay Duterte. Laganap pa rin ang pamamaslang, iligal na pang-aaresto, pagdukot at sapilitang pagwawala (desaparecidos) sa mga kritiko, makabayan, progresibo at mamamayang nakikibaka. Ginagamit ang red-tagging, terror-tagging at karahasan para supilin ang makatarungang paglaban ng mamamayan para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan.

Naninibasib ang kontra-rebolusyonaryong gera sa buong bansa sa imbing layuning pulbusin ang PKP-BHB-NDFP at tupdin ang plano ng US na ipihit ang AFP sa pakikidigma sa China. Tahasang nilalabag ni Marcos ang International Humanitarian Law (IHL) at ipinatutupad ang malagim na polisiyang “walang bubuhayin na kadre ng PKP at kasapi ng BHB”. Kabilang sa mga karumaldumal na kaso ang Catbalogan 10 at Pantabangan 10. Isinagawa rito ng AFP ang overkill na pagpatay na tumataliwas sa prinsipyo ng proporsyonalidad sang-ayon sa IHL at batas ng digma.

Wala ring patumangga ang pambobomba sa mga komunidad na nagresulta sa libu-libong sapilitang paglikas. Patong-patong ang kaso ng pagpatay sa mga sibilyan sa tabing ng kontra-terorismo. Tunay ngang war criminal siya gaya ng hatol sa kanya ng International People’s Tribunal sa mga krimen sa digma sa isinasagawa nitong kontra-rebolusyonaryong gera.

Pinasisidhi ng pananatili ng mga Marcos ang kabulukan ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang rehimeng US-Marcos II ang pinakamalaking balakid ngayon sa pagkakamit ng sambayanang Pilipino ng tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Sa ilalim ng rehimen, higit na naitutulak ang mamamayan sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Katulad ni Duterte, mahihiwalay si Marcos sa malawak na mamamayang Pilipino. Higit na mas malakas at mas makaranasan ang kasalukuyang pambansa demokratikong kilusan kaysa noong pasistang diktadurang rehimeng US-Marcos I. Sa inspirasyon ng nagdaang limang dekada ng pagsusulong ng rebolusyon, susulong at lalakas ang pakikibaka laban sa pamilya Marcos.

Tuluyang ihiwalay ang mga Marcos sa pagkokonsolida ng pinakamalapad na alyansang anti-Marcos. Ilantad ang kasinungalingan ng rehimeng US-Marcos II at labanan ito nang ngipin-sa-ngiping propaganda. Makipagkaisa sa mga pwersa ng lipunan na tunay na tumututol at lumalaban sa pasistang paghahari ng mga Marcos. Kundenahin at hubaran ang pagpapanggap ng mga umaastang oposisyon ngunit yumukod na sa mga Marcos.

Patuloy na patatagin ang rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa gitna ng umiigting na pasismo at teror ng estado. Sa gabay ng kilusang pagwawasto, puspusang isulong ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Iluwal ang marubdob na mga pakikibaka para sa kabuhayan at laban sa neoliberal na pang-aatake ng estado.

Kailangang pangahasang isikad ang rebolusyonaryong kilusang masa laban sa rehimeng US-Marcos II at para sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Dapat gawin ang buong makakaya na kamtin ang inisyatiba sa armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan. Tiyak na higit na makakapagpanibagong lakas ang rebolusyonaryong kilusan sa pagsusulong ng kilusang anti-Marcos.###

Ilantad at ihiwalay ang ganid sa kapangyarihang pamilya Marcos