Tugon ni Patubay de Guia: Bakit hungkag ang deklarasyong “insurgency-free”?

Malaking okasyon para sa mga reaksyunaryong pwersa, sa pangunguna ng AFP-PNP, mga ahensya sa depensa ng GRP at pati LGU, ang pagtatatak sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas bilang “insurgency-free” o malaya sa impluwensya ng PKP-BHB-NDFP. Sasabayan ito ng seremonya at pagkakaloob ng sertipiko o plake sa LGU. May tarpaulin, pakain at imbitasyon sa midya upang tiyaking maibalita sa radyo, telebisyon, dyaryo. Paulit-ulit pang ipo-post sa social media na may kasamang litrato. Ginagawa nila ang lahat upang magmukhang kapani-paniwala na wala nang presensya ng PKP-BHB-NDFP sa itinakda nilang teritoryo.

Ang deklarasyong “insurgency-free” ay kabilang sa mga palalong taktika sa kontra-rebolusyonaryong digma ng reaksyunaryong estado ng GRP. Anyo ito ng saywar at digma sa propaganda na katugon ng marahas na paninibasib sa mamamayan upang pagkaitan ng base ang mga rebolusyonaryong pwersa. Para maging opisyal ang deklarasyon, naglalabas ng resolusyon o nagbubuo ng mga memorandum of understanding sa mga LGU ang AFP o PNP hinggil dito.

Bukod sa “insurgency-free”, mayroon ding paketeng “Stable Internal Peace and Security (SIPS)”, at mas nauna pa, “conflict manageable and ready for development (CMRD)” na kapwa pumapatungkol sa pagkawala ng presensya ng PKP-BHB-NDFP. Sa ilalim ni Duterte ipinalaganap ang SIPS at ginagamit ito hanggang ngayon. Sa TK, ginawaran ng istatus na SIPS ang buong probinsya ng Quezon (Hunyo 2023), Marinduque (Marso 2019), Romblon (Pebrero 2019), at nagkakailang munisipyo sa Oriental at Occidental Mindoro (Marso 2023-Agosto 2024). Dati na ring idineklara ang Tanay, Rizal na “insurgency-free” (Hunyo 2023) at ang probinsya ng Laguna na CMRD.

Tulad ng pagkukunwaring malinis at marangal ang reaksyunaryong eleksyon, isang malaking sarswela ang deklarasyong “insurgency-free”. Hindi nga lang katatawanan o aliw ang hatid ng palabas na ito. Kasunod nito ang mga pasistang hakbangin at pagpupuslit ng mga ekonomikong interes ng mga burgesya kumprador at dayuhang kapitalista na pipinsala sa kabuhayan at karapatan ng mas nakararaming mamamayan. Pasakit at karahasan, hindi “kapayapaan at kaunlaran”, ang inihuhudyat ng bansag na “insurgency-free”.

Sa pangkabuuan, itinutulak ang mga deklarasyong “insurgency-free” ng tatlong layunin. Hindi mahalaga para sa estado kung totoo o hindi ang kanilang sinasabi—ang mahalaga ay ilako ang ilusyon na “walang NPA” na paunang kundisyon para sa katuparan ng kanilang mga imbing layunin.

Una, pagmukhaing umaabante at nagkakamit ng mga tagumpay ang brutal na kontra-rebolusyonaryong gera ng GRP laban sa PKP-BHB-NDFP. Bago ang pagsasabing wala nang presensya ng mga rebolusyonaryong pwersa, karaniwang isinasailalim ang isang lugar sa matinding operasyong militar. Tumatagal ang mga operasyon nang ilang taon. Masinsin ang kondukta nito at masaklaw. Nagkukumbina ito ng mga lantay militar na pamamaraan (focused military operations) at gumagamit din ng mga prenteng sibiko lalo sa yugto ng paniniktik. Tulad ng dinadanas ng AFP sa BHB, hindi maitatanggi na sa ilang pagkakataon ay nagkakamit ng pinsala sa labanan ang Bagong Hukbong Bayan. Ganonman, sa kalakhan, mamamayan ang tunay na biktima ng karahasan ng AFP. Matapos ang ilang “panalo”, nagkakalakas-loob ang AFP na magdeklarang napahina na ang BHB hanggang sabihing “insurgency-free” na ang lugar. Sa laos na iskrip, sasabihin ng mga kumander ng AFP na epektibo ang estratehiya at taktika sa paggupo sa PKP-BHB-NDFP–kalakip pa ang kasinungalingang nagawa ito “sa pakikipagtulungan ng mamamayan”.

Ikalawa, ihanda ang isang lugar sa pagpasok ng mga negosyo o proyekto para sa kapakinabangan ng naghaharing-uri at mga dayuhan. Mahihinuha ito sa paggamit pa lang ng pariralang “ready for development” sa CMRD. Dati nang tinagurian ng GRP na “hindi maunlad” ang mga lugar na pinaghihinalaang base ng rebolusyonaryong kilusan. Sa kanilang baluktot na lohika, ang rebolusyon na itinutumbas nila sa “terorismo” ang balakid sa kaunlaran. Ito ay kaunlaran sa mababaw at burgis na pakahulugan–kaunlarang nakabalangkas sa neoliberal na iskema at nakasunod sa wisyo ng lokal na naghaharing-uri at dayuhan. Para maging kampante ang mga kapitalistang may negosyong mina, dam at iba pang proyekto na pumasok at mamuhunan, kailangang iestablisa na “walang NPA” na magtuturo sa masang mag-aklas at lumaban sa mga mapaminsalang proyektong papasok sa kanilang komunidad.

Ikatlo, likhain ang klima ng takot at ibagsak ang moral ng mamamayan upang pahinain hanggang durugin ang pakikibaka para sa kalayaan, kabuhayan at karapatan. Nagsisilbing pang-saywar laban sa di-armadong mamamayan ang pampublikong deklarasyong nagmemenos sa lakas ng rebolusyonaryong kilusan. Ang pailalim na mensahe ng ganitong postura: Kung nagawa nang talunin ng estado ang mga armadong rebolusyonaryo, sino pa ang magtatanggol sa di-armadong mamamayang nakikibaka para sa kabuhayan at karapatan? Kung wala ng PKP-BHB-NDFP, wala nang matatakbuhan ang masa kaya’t “mabuti pang isuko na ang kanilang laban”. Gustong isiksik ng estado ang ideyang ito sa mamamayan kaya’t pinalalaki nang husto ang “paghina” ng rebolusyonaryong kilusan.

Ang nakakahiya para sa reaksyunaryong estado, ilang beses nang nalantad ang kahungkagan ng tatak na “insurgency-free”. Noong Setyembre 2023, ilang buwan lamang matapos na gawaran ng SIPS ang Quezon, matagumpay na inambus ng Apolonio Mendoza Command-BHB Quezon ang isang iskwad ng 85th IB sa Tagkawayan. Lima ang patay na sundalo at limang armalayt din ang sinamsam ng BHB. Tila sinampal sa mukha ang gobernador ng Quezon at ang AFP sa pangyayaring ito kaya’t nauutal na nagparatang na hindi taga-Quezon ang umatakeng pwersa ng BHB.

Ngunit wala nang talab ang paliwanag na ito at iba pang pahayag ng estado. Malaon nang nawalan ng kredibilidad ang reaksyunaryong estado sa mata ng taumbayan dahil naging tanyag na sila sa pagpapakalat ng kasinungalingan at disimpormasyon. Kahit kailan, hindi kinagat ng publiko ang mga pinauusong deklarasyon laban sa PKP-BHB-NDFP tulad ng “insurgency-free”, “persona non grata” at pati ang kalokohang pagbabansag sa mga rebolusyonaryo bilang “terorista”. Sa kaso ng “insurgency-free”, batid ng masa na pasakalye lang ito sa maiitim na balakin ng mga gahaman at pasista sa isang bayan, probinsya o rehiyon. Sa tumpukan ng taumbaryo at kahit sa mga thread sa social media, maririnig at mababasa ang pangungutya ng mamamayan sa gubyerno, AFP-PNP at sa mga peke nitong balita.

Sa isang banda, hindi makatotohanan at ilusyon ang bansag sa isang lugar na “malaya na” mula sa presensya o impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan. Napakatagal—higit limang dekada!—nang nagaganap ang gera sibil sa pagitan ng rebolusyonaryong pwersang pinamumunuan ng PKP-BHB-NDFP at ng reaksyunaryong estado ng GRP na kontrolado ng imperyalismong US dahil walang kalayaan at demokrasya sa bansa.

Sa kurso ng digma at habang hindi pa nakakamit ng mga rebolusyonaryo ang pampulitikang kapangyarihan sa pambansang saklaw, itinatayo nito ang Pulang kapangyarihan ng mamamayan sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang antas sa buong bansa. Bumubuo at nagpapatupad sila ng sariling programang pamproduksyon at pangkabuhayan para lutasin ang kagutuman at kasalatan, serbisyong edukasyon at pangkalusugan, pagtataas sa pampulitikang kamulatan at naglulutas ng mga alitan at kaso sa hanay ng mamamayan. Kapag may banta ng pangangamkam sa kanilang lupain at kabuhayan, sila, kasama ang kanilang Pulang hukbo ang nagtatanggol at nagpapalayas sa mga bantang ito.

Kaya naman sa higit limang dekada ng PKP ay nagawa nitong umugat sa buong bayan at nahinang ang mahigpit na ugnayan ng rebolusyon sa mamamayan. Sa kurso ng kanilang rebolusyonaryong pakikibaka napagtanto nilang hindi nila makakamit ang kanilang mga demokratikong mithiin at interes kung hindi sila magkakaisa at lalaban. Pinakamatingkad ang katotohanang ito sa mga erya kung saan nagkamit ang rebolusyon ng makikinang na tagumpay sa rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka. Dito, niyayakap at inaangkin ng masa ang rebolusyon dahil tinatamasa nila ang kongkretong bunga ng mga tagumpay nito. Isinasalin ng mga nakatatandang henerasyon sa nakababata ang kanilang karanasan at kaalaman sa rebolusyon kaya’t hindi ito basta mabubunot o mawawala.

Ang lakas ng rebolusyon ay nasa mamamayan. Hindi ito mareredyus sa simpleng paglalaro o makis-makis sa mga numero o bilang–ng labanan, ng bilang ng mga pwersang nalupig o natalo. Tulad ng lahat ng bagay, dumadaan ito sa masalimuot na proseso ng pagtitipon ng lakas, pagsulong, mga pansamantalang paghina at pag-atras bago muling lumakas at sumulong. Pero kailanma’y hindi mamamatay ang apoy ng paglaban ng bayan na tinatawag ng estado na “insurhensya”, na para sa pambansa-demokratikong kilusan ay makatarungang rebolusyonaryong pakikibaka, dahil nananatili ang mga batayan kung bakit ito umusbong at lumawig. Wala o kulang pa rin sa lupa ang mga magsasakang Pilipino, atrasado at deindustriyalisado ang ekonomya at walang tunay na kalayaan dahil sa pagkubabaw ng US. Ito ang mga salik na nagtulak, at patuloy na nagtutulak, sa sambayanang Pilipino na lumaban at mag-armas para kamtin ang tunay na panlipunang pagbabago.

Hanggang umiiral ang obhetibong kundisyon para sa rebolusyon, sa panaginip lang ng mga pasista magiging totoo ang “insurgency-free”.

Tugon ni Patubay de Guia: Bakit hungkag ang deklarasyong “insurgency-free”?