‘Panagutin ang rehimeng US-Marcos II sa pagbaha sa Rizal’

Nanawagan ang rebolusyonaryong mamamayan ng Rizal na singilin ang inutil at pabayang rehimeng US-Marcos II sa pagkawala ng mga buhay at matinding pinsala sa kabuhayan at ari-arian na idinulot ng pagbaha sa probinsya sa panahon ng mga bagyong Carina at Enteng.

Nagresulta ang tuluy-tuloy na pag-ulan ng mabilis na pagtaas ng mga ilog, pagragasa ng baha at landslide sa probinsya. May 12 taong namatay, 3 ang nawawala at 33,481 ang lumikas sa kanilang mga tirahan sa Rizal.

“Malinaw sa lahat maliban sa pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources na ang pagkasira at mabilis na pagkawasak ng ating kalikasan at kabundukan lalo na ang Sierra Madre ang dahilan ng delubyong ito. Ang mga quarry, minahan at mega dam ang malalaking dahilan sa pagkakalbo ng ating kabundukan at pagkawasak ng mga protektadong watershed areas na nagdudulot ng malawakan at mabilisang pagbaha at mga landslide,” ani Arman Guerrero, tagapagsalita ng NDF-Rizal.

Dagdag ng NDF-Rizal, hindi katanggap-tanggap ang pahayag ng LGU na “bulag” ito sa dahilan ng mga sakuna at na “katangahang” isisi sa minahan ang pagbaha. “Naglulubid sila ng kasinungalingan sa pagsasabing isang porsyento lamang ang pagmimina sa Rizal,” pahayag nito.

Maging si Ferdinand Marcos, Jr. ay nagpahayag na hindi pagmimina ang dahilan ng pagbaha sa Rizal. Aniya, sa kanyang paglipad sa erya ay hindi niya nakitang may landslide sa bahagi ng kabundukang may operasyon ng mina.

Ang Rizal ang ikalawa sa mga probinsya na may pinakamaraming kasunduan sa pagmimina sa bansa. Mayroon itong 30 MPSA (Mineral Production Sharing Agreement), kasunod ng Cebu na may 35. Nasa 6,214.43 ektarya ang saklaw ng operasyong pagmimina sa Rizal, kung saan 5,560 ektarya ang aktibo. Ang pinakamarami sa mga bayan ng Rizal na may operasyon ng pagmimina ay ang Antipolo, na may 15 MPSA, o kalahati ng mga operasyon sa buong Rizal.

Ipinunto rin ni Guerrero na sa panahon ng mga bagyo ay hindi binuksan ang Napindan Channel na nagsisilbing daluyan ng tubig patungong dagat. Makatutulong sana ito upang maayos na makadaloy ang tubig galing sa lawa ng Laguna at maiwasan ang pagbaha sa mga nasa baybaying lawa ng Morong, Taytay, Cardona at Jala-jala.

‘Panagutin ang rehimeng US-Marcos II sa pagbaha sa Rizal’