Bantay Karapatan Panunupil ng AFP-PNP sa nakikibakang magsasaka at maralita sa TK

Patuloy na nananalasa ang AFP-PNP sa mga komunidad ng magsasaka at maralitang lungsod sa rehiyon. Sa kabila nito, nananatiling marubdob ang paglaban ng mamamayang TK.

Panggigipit. Pinatindi ng AFP-PNP ang panggigipit sa Lupang Ramos sa Dasmariñas City at Lupang Tartaria sa Silang, Cavite. Ang mga lugar na ito ay may tunggalian sa lupa kung saan may malakas na pagtutol at paglaban ang mga magsasaka.

Noong Setyembre 9, nagtayo ng tsekpoynt ang mga pulis at militar sa bukana ng Lupang Ramos sa tabing ng “gun ban” sa eleksyon. Sumunod na araw, Setyembre 10, pwersahang pinasok ng 50 pinagsamang pwersa ng AFP, PNP, Task Force Ugnay at lokal na gubyerno ang komunidad gamit ang palusot na pag-iinspeksyon para sa African Swine Fever. Kaagad na nagbarikada ang mga magsasaka at residente upang depensahan ang kanilang lupa.

Noong Setyembre 26 naman, nilusob ng 50 tauhan ng AFP, PNP Cavite, PNP Dasmariñas, Special Weapons and Tactics (SWAT), Bureau of Fire Management and Protection (BFP) at iba’t ibang yunit ng lokal na gubyerno sa Dasmariñas ang Lupang Ramos. Dala ng PNP ang resolusyon na pinagtibay ng LGU-Dasmariñas kaugnay sa pakikipagtulungan para sa kontra-insurhensyang programa ng Task Force Ugnay.

Sa Lupang Tartaria, tumigil nang ilang oras ang apat na sasakyan ng pulis at isang 6×6 na trak na may tatlong baril sa bubong at tatlong V150 na tangke ng militar noong Setyembre 9.

Kinundena ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) at iba pang samahang magsasaka sa Cavite ang panggigipit ng pulis at militar. Ayon sa Kasama-TK, bahagi ito ng koordinadong atake sa mga magsasaka para supilin ang paglaban sa lupa.

Iligal na pang-aagaw ng lupa. Walang abisong nagbakod ang Emirates Security Agency at Santa Rosa Realty Development Corporation (SRRDC) sa 24-ektaryang lupain sa Barangay Casile, Cabuyao, Laguna noong Setyembre 23. Ang security agency at korporasyon ay kapwa pagmamay-ari ng pamilya ng mga panginoong maylupa na Yulo.

Dahil sa pagbabakod, hindi mapuntahan ng mga magbubukid ang kanilang mga tanim. Ang 11 pamilyang nakatira sa loob ay pinagbabantaan naman ng mga gwardya. Nagtayo rin ng karagdagang himpilan ang mga gwardya sa bungad ng binakurang lupa.

Kinumpronta ng Samahang Magsasaka ng Casile ang mga tauhan ng Emirates Security Agency kaugnay sa pagbabakod subalit walang maipakitang kahit na anong papeles o permiso ang huli.

Iligal na pang-aaresto. Iligal na inaresto ng mga pwersa ng estado sa bisa ng Anti-terror Law ang magkokopras na si Roberto Mendoza sa Barangay Silongin, San Francisco, Quezon noong Setyembre 2, bandang alas-5 ng madaling araw. Hinalughog ng mga pulis ang koprasan ng biktima at saka winasak ang dingding nito. Walang warrant of arrest ang mga pulis nang dakpin si Roberto. Si Roberto ay ama ni Lieshel Mendoza, isang magsasaka at tagapagtanggol ng karapatang-tao.

Ayon sa Tanggol Quezon, “Malinaw na taktika ito ng 85th IB at mga pulis para takutin at pilit pasukuin si Lieshel.”

Si Lieshel ay ginigipit ng 85th IBPA. Sinampahan siya ng AFP ng gawa-gawang kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 at The Terrorism Financing Prevention And Suppression Act of 2012 noong Enero.

Panununog. Higit 1,000 pamilya ang napalayas sa sunog sa Barangay Zapote III, Bacoor City, Cavite noong Setyembre 10. Ang lugar ay bahagi ng masasagasaang proyekto ng LRT-1 Cavite Extension Project. Kalapit din ng komunidad ang proyektong reklamasyon ng lokal na gubyerno at Frabelle Fishing Corp., pagmamay-ari ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel.

Pinaniniwalaan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA at mga residente na sinadya ang sunog upang bigyang daan ang naturang proyekto lalo’t hindi unang pagkakataong nangyari ang mga sunog sa lugar.

Noong Marso, naghain na ng resolusyon ang mga kinatawan ng Makabayan sa Kongreso para imbestigahan ang serye ng sunog sa mga komunidad sa baybay ng Cavite.

Panunupil ng AFP-PNP sa nakikibakang magsasaka at maralita sa TK