Unyon sa Nexperia, tagumpay na kamtin ang mga demanda

Nakamit ng Nexperia Phils. Inc. Workers Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NPIWU-NAFLU-KMU) ang mayor nitong demanda sa kapitalista na ibalik sa trabaho ang mga tinanggal na manggagawa at iba pa nitong Setyembre 25. Bunga ito ng tuluy-tuloy na pakikibaka ng unyon na kinatampukan ng paghahain ng notice of strike (welga) noong Hunyo at pag-sang-ayon dito ng mayorya o 1,248 manggagawa ng Nexperia sa botohan noong Hulyo 29-30.

Ayon sa unyon, nakipagkasundo ang kumpanya na makakabalik ang mga manggagawang iligal na tinanggal sa trabaho. “Sila ang uunahin sa hiring kapag nagkaroon ng bakante o tumaas ang bolyum,” pahayag ng unyon. Napwersa rin ang kapitalista na mangakong wala nang magaganap na tanggalan ngayong taon.

Naobliga rin ang kapitalista na ibigay ang demandang pagpapalawig ng Voluntary Separation Package at mga kaakibat na benepisyo pagpasok ng Oktubre. Magtutuluy-tuloy na rin ang Collective Bargaining Agreement at nangako ang kumpanya na hindi bubweltahan ang mga manggagawa.

“Ang mga paghahanda at laban na ginawa ay nagbigay-daan sa kinakaharap na CBA negotiation, kaya’t dapat tayong manatiling determinado upang makamit ang buong tagumpay,” dagdag pa ng NPIWU-NAFLU-KMU.

Sa bahagi ng unyon, pansamantala nitong iniatras ang nakaplanong welga bilang bahagi ng kasunduan sa kumpanya. Nilalabanan nito ang iligal na tanggalan sa Nexperia na tumatarget sa mga lider at kasapi ng unyon at mga paglabag ng kumpanya sa mga probisyon ng CBA. Aabot sa 600 manggagawa ang tinanggal sa trabaho sa Nexperia mula 2023.

Ang Nexperia Philippines ay nagmamanupaktura ng semiconductor at subsidyaryo ng kumpanyang Nexperia na nakabase sa The Netherlands.

Unyon sa Nexperia, tagumpay na kamtin ang mga demanda