“Walang Hustisya sa Bagong Pilipinas ni Marcos Jr!”

Sa paggunita ng ika-52 anibersaryo ng Batas Militar, naglunsad ang mga progresibong grupo ng Timog Katagalugan ng dalawang araw na sakbayan (sakayang bayan) o karaban upang kundenahin ang terorismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II.

Sa pangunguna ng Karapatan Timog Katagalugan at Defend Southern Tagalog, itinampok ng sakbayan ang iba’t ibang atake sa karapatang pantao sa rehiyon, partikular ang militarisasyon, pambobomba sa kanayunan, iligal na pag-aresto at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga lider at miyembro ng mga organisasyong nagtatanggol sa karapatan at kabuhayan.

Tampok sa protesta ang effigy na pinangalanang “Pasistank” na kumakatawan sa pagpapakatuta ni Marcos Jr. sa imperyalismong US na siyang utak sa kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao at pagpopondo ng gera laban sa mamamayan. Kasama rin sa karikatura ng Pasistank sila Sara at Rodrigo Duterte na hanggang ngayon ay hindi pa rin napapanagot sa malawakang pamamaslang ng maralita at mga aktibista sa ilalim ng kanyang rehimen.

Nagprotesta ang mga grupo sa harap ng Supreme Court, Department of Justice, at Office of the Ombudsman. Sa Korte Suprema, iginiit ng mga manggagawa ng NutriAsia Cabuyao sa ilalim ng KASAPINA-OLALIA-KMU na katigan ang regularisasyon ng mga manggagawang kontraktwal. Isinumite naman sa DOJ ang liham ni Steve Mendoza, pangalawang tagapangulo ng OLALIA-KMU na humihiling na bigyan ng piskal ang mga korte ng Cabuyao at Santa Rosa, na dahilan ng ilang taong pagkakabinbin ng kaso niya at nila Mags Camoral at Arnedo Lagunias. Sina Mendoza, Camoral, Lagunias at iba pa ay mga biktima ng maramihang pang-aaresto noong Bloody Sunday.

Sa Ombudsman, naghain naman si Nimfa Lanzanas, dating bilanggong pulitikal, ng mosyon para suspendihin si Police Colonel Lito Patay, utak ng COPLAN ASVAL o Bloody Sunday massacre, at mga kabaro nitong pulis na sinampahan ni Lanzanas ng mga patung-patong na mga kaso sa Ombudsman.

Kinabukasan, Setyembre 21, hinarang ng Manila Police District ang delegasyon ng TK sa kahabaan ng España, Manila nang halos apat na oras. Sa kabila nito, nakadalo ang delegasyon sa pambansang kilos-protesta sa Mendiola.

Ayon sa Karapatan Southern Tagalog, “Lubos na ginagamit ngayon ng estado ang samutsaring pamamaraan upang panatilihin ang kapayapaan ng mga tikom, tulad ng ninais gawin ng diktadura ni Marcos Sr. Ngunit hindi titigil ang mamamayan sa paghahanap ng hustisya at sa pakikibaka para sa ganap na demokrasya. Hanggang hikahos ang mamamayan, nananatiling wasto ang paglaban.”

“Walang Hustisya sa Bagong Pilipinas ni Marcos Jr!”