203rd IBde, ubod ng sinungaling
Pinasinungalingan ng 203rd IBde at 1st Company, 2nd CMO Battallion ang lehitimong labanan sa pagitan ng AFP at isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-BHB Mindoro na naganap noong October 1 sa Sityo Badyang, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro upang pagtakpan na bigo sila sa pagpinsala sa BHB.
Nabigo ang isang tim ng mga pasista na pinsalain matapos na paputukan nito ang nakahimpil na isang pormasyon ng LdGC. Organisadong gumanti ng putok ang yunit na nakapagdis-organisa sa kaaway kaya napaatras ang huli.
Nagkalat ang 203rd IBde ng fake news sa social media na hindi umano lehitimo ang labanan para pagtakpan ang kabiguang mapinsala ang BHB. Nagmukha lamang silang katawa-tawa dahil nauna nang kumalat sa Facebook ang labanan na nirekord ng mga residente na nagtipon sa baryo. Kuha sa bidyo ang tunog ng palitan ng putok.
Ayon kay Madaay Gasic, tagapagsalita ng LdGC, nais pagtakpan ng mga sundalo ang di makatwirang malawakang operasyon kahit kinakaharap ng mamamayan ang mga pinsalang tinamo sa kalilipas lamang na bagyo. Tugon din ito umano upang pagtakpan ang kabiguan ng mga sundalo ng 203rd IBde.
“Sa serye ng mga labanang naganap nito lamang Agosto hanggang Setyembre, sunud-sunod ang tinamong pinsala ng 203rd IBde sa aktibong pagdepensa ng BHB laban sa mga sumusugod na sundalo. Tinitiyak ng BHB na palaging alerto sa paparating na kaaway, nakukuha ang inisyatiba sa labanan at natitiyak ang pinsala sa kaaway,” pahayag ni Madaay.