Editoryal Kabataan, tanganan ang sulo ng mga pakikibakang masa laban sa kurakot at papet na rehimeng US-Marcos II

Pag-asa ng bayan—seryoso ang kasalukuyang henerasyon ng kabataan na patotohanan ito at harapin ang hamon ng kanilang panahon. Buong sigasig nilang tinutupad ang tungkuling pangunahan at pasiglahin ang pakikibaka ng bayan upang kamtin ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.

Nagningning ang sektor ng kabataan sa pangunguna sa malalaking walkout sa mga pamantasan hanggang sa mga lansangan upang makipagkaisa sa masang Pilipino at mapangahas na mamuno sa laban anti-korapsyon. Panandang bato sa kasaysayan ang muling pagtitipon at pagmamartsa ng hanggang daanlibong bilang ng mamamayan sa mga lansangan laban sa burukratikong korapsyon.

Mula sa malalaking pagkilos ng Setyembre 21 hanggang kasalukuyan, kasama ang kabataan sa nanguna sa pagpapatambol ng kampanya laban sa burukrata kapitalismo at garapal na katiwalian ng estado. Itinatag nila ang malalapad na alyansa’t samahan ng kabataan-estudyante sa mga pamantasan at mga komunidad. Bitbit nila ang mga panawagang papanagutin ang mga Marcos, Duterte at iba lahat ng sangkot sa anomalya ng korapsyon sa flood control projects (FCP) at mga proyektong pang-imprastraktura.

Nalantad ang mga kaso nina Marcos Jr. at Duterte na hari at reyna ng korapsyon sa nagdaang iskema ng paglustay sa confidential and intelligence funds at iba pang lump-sum funds ng gubyerno. Isiningit sa pambansang badyet ang mahigit ₱281 bilyong pork barrel at ₱243 bilyong unprogrammed appropriations ni Marcos Jr., at ang ₱415 bilyong pork barrel ng mga kongresista at senador na nakakubli sa anyo ng farm-to-market road, multipurpose building at iba pa. At sa kabila ng ilang buwan nang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastracture (ICI) at mga “anti-korapsyong” hakbang ni Marcos Jr., walang napapanagot na burukratang kurakot sa trilyong pisong dinambong na pondo. Ang mga kinasuhan sa Office of the Ombudsman ay ang mga scapegoat at hindi ang mga kapural ng pagnanakaw tulad nina Marcos, Duterte, atbp.

Batid ng bayan na sa bulsa ng mga burukrata napupunta ang kalakhan ng panukalang badyet habang patuloy na kinakaltasan pa ang gamumong pondo sa serbisyong panlipunan. Sa gitna ito ng tumataas na presyo ng bilihin at sadsad na presyo sa farmgate ng produktong bukid. Nananatiling bagsak ang sahod ng mga manggagawa at dumarami ang nakikipagsapalaran sa gig economy at impormal na trabaho. At sa kabila ng matinding pinsala sa buhay at kabuhayan, barya ang ayuda sa mga biktima ng sunud-sunod na kalamidad na lindol, baha at pagputok ng bulkan.

Kumukulo ang sitwasyong pampulitika at pang-ekonomya at pumuputok ang mga pakikibakang masa dahil hindi na mabata ang kronikong krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Nag-aalsa ang mamamayan at maraming bilang ng kabataan ang nangangahas manguna sa laban ng masang anakpawis.

Sa kasaysayan, nangunguna ang kabataan sa pagmumulat at paglikha ng opinyong publiko, pagsasagawa ng propaganda at pagbibigay ng edukasyon sa masang anakpawis upang dalhin sila sa landas ng rebolusyon. Mapagpasya ang kanilang papel sa pagsulong kapwa ng ligal na demokratikong kilusan at armadong pakikibaka.

Marapat na halawan ng mga aral ang mayamang kasaysayan ng paglahok ng kabataan sa rebolusyon sa gitna ng inilulunsad na kilusang pagwawasto. Sa Unang Kilusang Propaganda, pinukaw ang mga kabataang ilustrado ng mga nobela ni Jose Rizal at mga sining biswal ni Juan Luna na nagpausbong ng mapanlabang diwa ng sambayanan sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Mula rito, pinasimulan nina Andres Bonifacio at Katipunan ang unang pambansa-demokratikong rebolusyong Pilipino ng 1896 na nagpalaya sa bansa sa kuko ng kolonyalistang Espanyol.

Sumibol sa mga study circles sa mga pamantasan at mga talakayan ang Ikalawang Kilusang Propaganda sa pamumuno nina Jose Maria Sison na nagtatag ng Kabataang Makabayan noong 1964. Naging instrumento ang pinakaabante sa kanilang hanay upang maitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo) at Bagong Hukbong Bayan sa pambansang saklaw upang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyong may bagong tipo. Utay-utay nilang inihanda at binuksan ang mga sona’t larangang gerilya upang itatag ang pulang kapangyarihan sa kanayunan na naging moog ng paglaban ng sambayanan sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Pumutok ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 sa pakikipagsanib-pwersa ng mga kabataan sa masang anakpawis. Dala ang mga panawagan laban sa kahirapan, kawalang trabaho, implasyon, korapsyon at pagpapakatuta sa US ni Marcos Sr., lumalim at lumawak ang rebolusyonaryong kilusan hanggang mapabagsak ang diktadurang US-Marcos I.

Malalim na ang balon ng mga gintong aral ng kilusang kabataan at pagdurugtong nito sa kilusan para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Sa kanilang hanay nagmumula ang sunud-sunod na henerasyon ng mga rebolusyonaryong pumupuno sa pamunuan ng Partido, Hukbo at iba pang organisasyong masa.

Dapat patuloy na magpunyagi ang kilusang kabataan-estudyante upang iwaksi ang suhetibismo sa anyo ng empirisismo sa diwa ng pagwawasto at pagsulong. Dapat nilang isagawa ang malawak at masiglang gawaing edukasyon-propaganda sa masa na napukaw at kumilos sa isyung anti-korapsyon at anti-burukratang kapitalismo. Sa gitna ng panglalabusaw ng imperyalismong US sa kanilang kultura at kaisipan, kailangang pangunahan ng mga kabataan ang pagiging kontra-agos at kapalit nito ay ipalaganap ang pambansa, siyentipiko at maka-masang kultura.

Ilunsad ang libu-libong discussion groups na nagtatalakay sa pagsusuri sa napapanahong usapin ng korapsyon, alternatibong solusyon at pakikibakang pambansa-demokratiko. Resolbahin ang mga balakid sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos. Pangkat-pangkat silang pakilusin upang makipamuhay at makipag-aralan sa masang anakpawis at iba pang sektor sa mga pagawaan, sakahan, pribadong institusyon, ahensya ng gubyerno at iba pang pook-trabaho.

Tiyaking magsilbi sa paglawak at paglalim ng kasapian ng mga organisasyong masang pambansa-demokratiko sa hayag at lihim ang bulwak ng ispontanyong pagkilos ng masa. Reklutahin sa Partido ang mga abante at pinakamahuhusay na anak ng bayan at mapangahas na pamunuan ang lahat ng pumuputok na laban ng sambayanang Pilipino laban sa bulok na estado at imperyalismo. Ilunsad ang kilusang pag-aaral at pagpapalaganap sa prinsipyo at mga akdang Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Sa pagtangan pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, inaabot ng kabataan ang kanilang buong potensyal. Maagap silang nahuhubog upang maging matapang at matatag sa pagharap sa mga sakripisyo at kahirapan. Tiyak na hindi mahihibas ang balon ng Pulang henerasyon sa pagtangan ng kabataan sa makasaysayan nilang tungkulin hanggang sa paghahatid ng digmang bayan sa tagumpay ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya hanggang sosyalismo.###

Kabataan, tanganan ang sulo ng mga pakikibakang masa laban sa kurakot at papet na rehimeng US-Marcos II