[Serye] Kurakot Managot Pagpapakasasa ng mga gahaman, pinsala sa mga Palaweño
Nagdeklara ang Palawan ng state of calamity matapos rumagasa ng bagyong Tino sa probinsya noong unang linggo ng Nobyembre. Pinakamatinding tinamaan ang mga bayan sa Hilagang Palawan na El Nido, Roxas, San Vicente, Taytay, Araceli, Dumaran, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, Cagayancillo at Calamianes Group of islands.
Nag-landfall ang bagyong Tino sa Batas Island, Taytay noong Nobyembre 5. Pinakamaraming apektado ng bagyo ang 29,601 pamilya o 97,616 indibidwal mula sa mga bayan ng Coron, Taytay at Roxas. Dahil sa bagyo, lumikas ang mga Palaweño kung saan 77,000 ang nagsiksikan sa mga evacuation center habang 16,000 ang nasa labas ng mga pormal na kanlungan (shelter). Higit 1,054 tahanan ang napinsala—149 ang nasira at 905 ang parsyal na nasira. Nasira rin ang limang pasilidad pang-imprastraktura ng probinsya. Nasalanta rin ang mga tahanan ng mga pambansang minorya sa Cuyo, Agutaya at Araceli.
Muling nasaksihan ng mga Palaweño ang bahang kalsada; wasak na mga tulay, eskwelahan, ospital at iba pang pampublikong pasilidad; nasirang pananim at lubog na mga bangka. Sariwa pa sa kanilang alaala ang pagbaha noong Pebrero na resulta ng tuluy-tuloy na pag-ulan na hatid ng intertropical convergence zone, shear line at low pressure area sa Timog Kanlurang Palawan.
Lalong nagpupuyos ang damdamin ng mga Palaweño dahil sa pinsalang natamo nila sa bagyo. Higit na lumulutang ang kapabayaan ng gubyerno sa mamamayan at ang pagpapakasasa nito sa kaban ng bayan sa gitna ng pagkakalantad ng korapsyon sa mga maanomalyang flood control projects (FCP) na alinman sa substandard ang pagkakayari ay hindi totoo. Sa Palawan, umaabot ng 92 ang FCP na nagkakahalaga ng ₱4.07 bilyon.
Itinuturo ng mga lokal na yunit ng gubyerno ang kakulangan ng mga FCP sa Hilagang Palawan upang makabawas sa pagbaha tuwing may malalakas na pag-ulan at bagyo. Sa pagpaplano ng probinsyal na gubyerno at Department of Public Works and Highways, makikitang mas maraming FCP ang isinulong sa Puerto Princesa City na may 19 na proyektong nagkakahalagang ₱885.3 milyon. Malaking disbalanse ito dahil hindi lamang ang siyudad ang madalas bahain kundi maging ang mga bayan sa Hilagang Palawan. Napinsala rin ang Puerto Princesa ng bagyong Tino kung saan higit 3,236 pamilya mula sa 38 barangay ang lumisan sa kanilang mga tirahan at tumungo sa mga evacuation center.
Kabilang sa mga FCP sa Puerto Princesa ang konstruksyon ng Riverbank Protection Structure sa Ilog Irawan na nagkakahalaga ng ₱212.2 milyon at apat pang kahalintulad na proyekto sa parehong ilog, na ang isa ay nagkakahalaga ng ₱194.9 milyon at ang tatlo pa ay nagkakahalaga ng ₱17.3 milyon. Sa kabuuan, umaabot ito ng ₱459 milyon o halos kalahating bilyon sa isang ilog. Samantala, nabunyag ang maanomalyang proyektong San Pedro flood control project na nagsimula pa ang konstruksyon noon pang 2001 subalit 24 taon na ang nakalilipas ay 34% pa lamang ng proyekto ang natatapos. Nagkakahalaga ang naturang proyekto ng ₱120 milyon ngunit nalantad na noong 2023, mahigit 80% ng pondong nilaan para rito ang nailabas na (₱98 milyon). Nais pang gumastos ng lokal na gubyerno ng Puerto Princesa City ng ₱29 milyon para bumili ng mga kagamitang “kontra baha”. Sa kabila ng malinaw na anomalya at disbalanse sa buong isla, pinaplano pa ng lokal na gubyerno ng Palawan na magdagdag ng 14 pang flood control projects sa Puerto Princesa City.
Nagpapakasasa na nga sa korapsyon sa mga huwad na proyektong pang-imprastraktura, labis pa ang kapabayaan at kapalpakan ng rehimeng US-Marcos II sa pagtugon sa pinsala. Dinadaing ng mga Palaweño ang kakulangan ng ayuda at paggawad ng serbisyong pangkalusugan matapos ang sakuna. Dagdag pang pasanin sa mga Palaweño ang nagpapatuloy na mga proyektong mina sa Palawan na nangwawasak ng kalikasan at kabundukan na natural na proteksyon sa mga bagyo, pag-ulan at pagbaha. Pinahintulutan ito ng rehimeng US-Marcos II, kasabwat ang mga lokal na gubyerno ng Palawan sa paglipana ng mga kumpanyang mina rito.
Higit na tinutulak ng mga kalagayang ito ang mamamayang Palaweño na singilin at papanagutin ang bulok na sistema ng gubyernong pinamumugaran ng mga burukrata kapitalista. Noong Setyembre 21, nagtipon ang 4,000 Palaweño sa Puerto Princesa City para kundenahin ang korapsyon ng gubyerno. Isinagawa nila ang isang prayer at indignation rally para kundenahin ang mga salarin. Dumalo rito ang iba’t ibang sektor na mula sa kabataan, relihiyosong grupo, non-government organization at sibikong samahan. Habang nagpapatuloy ang katiwalian at kabulukan ng gubyerno, patuloy na maghahangad ang mga Palaweño, kasama ang buong sambayanang Pilipino ng tunay na pagbabago. Hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang asam na katarungan at kalayaan.