Panayam: Buhay ng maralita
Habang nagpapasasa ang mga burukrata-kapitalista sa kinakamal nilang yaman sa pangungurakot, nagtitiis sa hirap ang mga maralitang magsasaka sa bansa. Nakapanayam ng Kalatas sina Ka Yessa, 53 at Ka Kentin, 55 mula sa magkaibang probinsya sa Timog Katagalugan. Kapwa sila mga maralitang magsasaka na kinagisnan na ang hirap ng buhay ng pagsasaka.
Ang mag-anak ni Ka Yessa ay nagpapaaral ng isang anak na nasa Grade 10. Wala silang sariling lupa at nakikisaka sa isang malilit na parsela ng lupa. Ang tangi nilang pag-aari sa produksyon ay itak at asarol. Inilalako niya ang mga tanim na gulay at buko mula sa kanyang kaingin. Mayroon din silang sariling ilang alagang kambing.
Samantala, si Ka Kentin ay may isang ektaryang lupang sinasaka mula sa limang ektarya na pinaghahatian nilang limang magkakapatid. Ang kanyang lupang panirikan ay nakuha nila mula sa ipinamahagi ng rebolusyonaryong samahang magsasaka. Dati itong niyugan na pina-clearing ng caretaker noong dekada ‘80s hanggang 1994. Bandang 1998, naging masukal at magubat ang lugar kaya naghawan sila ng panibago at nagtanim ng saging, balinghoy, kamote, mais, gulay, langka, star apple, guyabano, mga halamang gamot at mahogany. Kamakailan na lamang nakapagtanim ng niyog dahil dating ipinagbawal ng caretaker ng lupa ang pagtatanim nito. Wala man siyang sariling anak na pinag-aaral, tumutulong naman siya sa pagpapaaral ng mga pamangkin. Iniinda na rin niya ang madalas na pananakit ng katawan kaya’t bihira nang makapagtrabaho. Minsan, inaabutan siya ng tulong ng kanyang kapatid.
Kalatas [K]: Ano ang mayor na pinagkukunan ng kabuhayan? Gaano kalaki ang kita?
Ka Yessa [KY]: Ako po’y tumanda na sa paglalako. Nagsimula akong maglako sa edad 14 hanggang sa magkaroon na ako ng sariling pamilya. Sa paglalako, isang oras akong naglalakad mula sa amin bago makarating sa kalsada. Lakad hanggang pa-dalawang baryo, pasan o balagwit ang aking mga paninda para lamang may maibili kaming pagkain at may maipangbaon ang anak ko sa eskwela. Wala na kaming ibang hanapbuhay.
Naghahanap ako ng mailalakong mga gulayin, napapanahong prutas at walis tambo. Medyo malaki ang kinikita ko kapag walis tambo. Nakakadala ako ng 20 piraso, at kapag nabenta lahat sa presyong ₱150 kada isang walis, makakakuha ako ng ₱3,000. Kapag ipinamili ko ng mga pangangailangan namin, minsan, matitirhan kami ng mahigit na ₱1,500. Minsan sapat lang pero madalas na kulang dahil sa taas na ng presyo ng bilihin ngayon. Iisa lang ang anak kong pinapaaral.
Kapag po wala akong maitindang gulay o tambo, buko juice mula sa ilang puno ng niyog. Ang gagawin ko, mangunguha na ako ngayong araw ng buko at kinabukasan ang tinda. Ilalagay ko ‘yon sa plastic ng yelo, benta ng ₱20 pesos isang plastik. Nakakadala lang ako ng 40 piraso at makakakuha roon ng ₱800 na ipamimili ko na agad ng pangangailangan namin.
Ka Kentin [KK]: Nagbebenta ako ng aking mga pananim. Sa pakwan, gagastos ako ng ₱17,000 sa isang anihan, 35,000 ang nabebenta at ₱18,000 ang makukuha ko. Nasa 120 araw ang tagal bago anihin, mula Enero-Abril, na katumbas lamang ng ₱150 kada araw na kita. Ito na ang pinakamalaki kong nakukuha kumpara sa pagbenta ng mga tanim na gulay na pipino at kalabasa at mga bungang buko, niyog at langka.
Hindi ko na piniling magtanim ng palay dahil kailangan ng malaking pera at patubig bukod sa maraming proseso pa bago maani. Nagtatanim at inaalagaan ko na lang ang balinghoy, kamote, mani at mais pangkonsumo habang nagpapalaki ng puno ng niyog.
[K] Gaano kalaki ang gastusin ninyo sa pamilya?
KY: Sa bawat lako ko, kailangang makabili ako ng sampung kilong bigas (₱600), isang kilong asukal (₱84), 300 grams na gatas (₱120). Bawal sa asawa ko ang kape kaya gatas na lang. Dapat tumagal na iyon ng tatlong araw. Gastos namin ay katumbas ng ₱268 kada araw, wala pang ulam. May pang-ulam pang bibilhin, bukod pa ang sa dadalhin ng eskwela.
Naglalaan pa ako ng ₱100 para sa baon ng bata sa araw-araw at ₱100 para sa isang linggong gasolina sa service na motor ng eskwela (katumbas ng ₱20 kada araw na may pasok). Nauubusan din po ako. Kaya kapag wala akong maipambaon sa anak ko, matipid naman siya at nakuha ng pera mula sa kanyang ipon huwag lang maka-absent.
KK: Sa aking sariling konsumo, nasa ₱114.6 ang gastusin ko sa araw araw: 1/2 kilong bigas (₱30), kapeng 25 grams (₱11.6), asukal (₱7), gatas na sachet (₱5), tinapay na pang-meryenda (₱23), load (₱13), tubig inumin (₱12) at gastos sa kuryente (₱13). Nag-aabot pa ako ng tig-₱120 baon sa 4 na estudyante (2 high school at 2 elementary) o katumbas ng ₱480 kada araw na may pasok. Kung isasama ang baon ng mga estudyante, aabot sa ₱594.6 ang gastos ko kada araw.
[K] Nagpapaupa ka ba bilang manggagawang bukid? Ano ang trabaho sa bukid na pinapasukan mo? Magkano ang arawan mo?
KY: Sa pagpaupa sa bukid, pumasok sa pagtabas o paggamas kaso kulang na kulang ang ₱500 na kita sa maghapon para sa pangangailangan ng pamilya.
KK: Nagpapaupa ako ng mga trabaho sa pagkokopras: ₱600 por libo ang tapas; ₱600 por libo at kawit; at ₱350 por libo ang tigkal.
[K] May panawagan ka ba sa gubyerno kaugnay sa kalagayan ninyong mahihirap?
KY: Panawagan ko sa gubyerno, tulungan kaming mahihirap. Kung meron man silang ibinigay tulad ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers), dapat walang paboritismo. Ang mga kamag-anak o malapit lang sa kanila ang nabe-benepisyuhan. Sinubukan ko na ding lumapit sa munisipyo para humingi ng pangtanim ng gulayin pero dalawang balot lang at ilang piraso lamang ng binhing gulay ang binigay.
KK: Sa akin na mahirap na ay pinagkakaitan pa, paano pa kaya ang iba? Kaya wala akong maaasahan sa gubyerno at kung minsa’y di na nahiling. Nasa isip kung minsan ay ‘pag ipagkakaloob saka lalapit. Dumadaing ang mga senior na pati ang budget pinupulitika. Kailangan talaga may ayuda mula sa gubyerno, trabaho o iba pang pagkakakitaan lalo sa panahon ng tigkiriwi.
[K] Ano ang nakikita mong hakbangin para umalwan ang buhay mo at makaahon sa kahirapan?
KY: Dati, makitid ang aking kaisipan, ngayon lumawak-lawak na. Kailangang magkaroon kami ng samahan at itaas pa ang aming pag-unawa. Gusto namin ng sariling lupa. Dapat magkaroon din ng suyuan para magkaroon ng malawak-lawak na taniman dahil sa karanasan ko, napakahirap ng nag-iisa. Katulad ko ngayon, ako’y nag-iisa lang maggamas kaya kakaunti ang aking natamnan. Panawagan ko sa aking mga kapitbahay, dapat magkaisa kaming lahat at magtulung-tulong, pati ang buong baryo.
Kinakatawan ng kwento nina Ka Kentin at Ka Yessa ang mukha ng daan-daang libong maralitang magsasaka sa rehiyong TK na naghahangad ng pag-ahon sa kahirapan. Lubhang napakalayo ng kanilang kita sa dapat na P1,200 arawang nakabubuhay na kita ng isang pamilyang may 5 katao. Dahil dito, araw-araw nilang kinakaharap ang banta ng kalam ng sikmura laluna sa panahon ng tigkiriwi na ipinagkikibit lamang ng balikat ng walang puso at korap na rehimeng US-Marcos II. Panawagan nila’y ayuda at kumpensasyon, at pagsalig sa kolektibong aksyon upang itaguyod ang interes ng uring magsasaka sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.