Kultura Ang buhay na sinisid ni Ka Renz
“Wag kang pumunta sa malalim!” ang madalas na sambit ng mga nag-aalalang magulang sa kanilang anak na naglalaro sa dagat. Subalit, iba ang sitwasyon para sa kabataang si Ka Renz at ibang katulad niya na sa murang edad ay kinailangan nang suungin ang bagsik ng lipunan.
Si Ka Renz ay isang kabataang maralita na lumaki sa Kamaynilaan. Nakatuntong ng Grade 2 ngunit hindi na natapos ang pag-aaral. Hindi siya lubos na natutong magbasa. Maagang kinamulatan ni Ka Renz ang pangangailangang magtrabaho para makatulong sa pamilya. Nagbenta siya ng sampaguita sa mga simbahan tuwing sabado’t linggo. Nangalakal ng bakal, bote at tanso. Dito unang iginugol ni Renz ang kanyang youthful vigor, ika nga.
Pero sa gitna nito, sumapit ang madilim na yugto ng kanyang buhay. Tulak ng kahirapan, lumahok si Renz sa mga anti-sosyal na aktibidad sa murang edad. Natutong gumamit si Renz ng bawal na droga at nalulong sa mga bisyo para ibsan ang iniindang gutom at pagod. Marami sa kanyang mga kaibigan at kasamahan ang naging biktima ng brutalidad ng kapulisan.
Kinalaunan, lumipat at nanirahan ang pamilya ni Ka Renz sa baybay-dagat sa isang syudad sa Timog Katagalugan. Dito na rin siya mamumulat. Taong 2016, kumaharap ang kanilang komunidad sa ambang demolisyon upang bigyang-daan ang 420-ektaryang Diamond Reclamation Project ng Frabelle Fishing Corporation na pagmamay-ari ni Francisco Tiu Laurel Jr. Hindi bababa sa 300 pamilya ang masasalanta ng proyekto, kabilang ang kanilang pamilya. Sa isyung ito napukaw at naorganisa si Ka Renz.
Higit pang namulat at naahita si Ka Renz nang mag-aral siya ng MKLRP[1]. May pagkamahiyain tuwing session dahil hindi niya mabasa ang mga nakasulat sa powerpoint presentation. Pero hindi ito naging sagabal sa kanyang pagkilos. Malambot sa loob pero dang kiseg![2] Ganyan si Ka Renz noong maging bahagi ng isang organizing team sa mga komunidad ng maralita para magmulat ng kapwa kabataan. Mahusay siyang makipagkaibigan sa mga nakakadaupang-palad niya kaya marami siyang naoorganisa. Sa mga pagkilos, lagi siyang nagboboluntir na mapabilang sa compo tim o sa hanay ng mga security marshall. Ito ang kinahiligan niyang gawain.
Para sa isang tulad ni Ka Renz na lunod sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, hindi naging mahirap para sa kanya na tanggapin ang pambansa-demokratikong programa at suportahan ang armadong pakikibaka. Taong 2017, naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan sa isang lokal na balangay sa kanilang bayan. Dito hustong nahubog ang kanyang rebolusyonaryong praktika. Lumahok siya sa mga raling-iglap sa mga sentrong bayan.
Taong 2018, sumama si Ka Renz sa pagpasok sa loob ng isang sonang gerilya sa Timog Katagalugan upang dumalo sa gintong anibersaryo ng Partido. Inspirado at nag-aalab ang diwa ni Ka Renz habang nakikinig at nanonood ng programa. Ito ang nagtulak sa kanya na mag-TOD[3] upang makipamuhay sa BHB at matuto mula sa kanilang mga praktika. Isa sa tumampok na karanasan ni Ka Renz ay ang gawaing masa sa mga base. Isang alaala na hindi niya malilimutan. Pinanday ng karanasang ito ang determinasyon ni Ka Renz na walang kapagurang mag-ambag ng lakas at oras sa pagsusulong ng rebolusyon sa ulitmong layuning ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Bagamat natapos na ang TOD ni Ka Renz, bitbit niya pa rin ang kanyang optimistiko at mataas na rebolusyonaryong diwa hanggang sa kalunsuran. Bilang kasapi ng KM, nagsisikhay si Ka Renz na itaguyod ang kilusang pagwawasto sa buong saklaw ng kanyang kinikilusan. Isa sa pinagsisikapan niyang paunlarin sa sarili ay ang pagpapasigla ng gawaing edukasyon at pagbabasa sa loob ng rebolusyonaryong kilusan kasabay ng paglalapat nito sa praktika.
Ngayon, patuloy si Ka Renz na nakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos II sa gitna ng grabeng pangungurakot ng mga burukrata kapitalistang humihigop sa kaban ng bayan. Dito na ibinubuhos ni Ka Renz ang kanyang buong panahon.
“Binago ng kilusan ang buhay ko. Proud na proud ako sa sarili ko.” ika ni Ka Renz. Gaano man kalalim ang karagatan, sisisirin pa rin ito ni Ka Renz at ng milyun-milyong katulad niya. Sa hinaharap, isang higanteng daluyong ng kanilang martsa kasama ang iba pang aping uri at sektor ang gagapi sa lakas ng kaaway at maghahatid sa atin patungong tagumpay. (Ni Ka Piko)
___
[1]-Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino
[2]-dang kiseg–lokal na termino kapag matikas o makisig ang isang tao; ‘dang’ ay katumbas ng salitang ‘sobra’.
[3]-tour of duty