ISM sa Mindoro at Rizal, inatake ng AFP-PNP

Inilunsad ng People’s Rising for Climate Justice ang International Learning and Solidarity Mission (ISM) sa mga komunidad na apektado ng militarisasyon at inhustisya sa kapaligiran (climate injustice) mula Oktubre 11-14 sa Mindoro at Rizal. Isinagawa nila ang mga imbestigasyon sa mga komunidad, lalo sa mga pambansang minorya na isa sa mga pangunahing biktima ng malawakang pagpapalit-gamit ng lupa para bigyang daan ang malalaking proyektong mapangwasak sa kapaligiran. Bukod sa mga grupong makatao sa Pilipinas, kalahok din dito ang mga delegadong mula sa internasyunal na komunidad.

Mindoro. Tumungo ang delegasyon noong Oktubre 11 sa komunidad ng Mangyan-Iraya sa Sityo Malatabako sa Abra de Ilog kung saan nagaganap ang sapilitang pagpapalayas at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang tao sa pangunguna ng Pieceland Corporation, isang real estate developer na talamak na land-grabber sa Mindoro. Habang mainit ang pagtanggap ng lokalidad sa delegasyon, pananakot at panggugulo ang tugon ng estado kung saan kinuhanan ng mga intelidyens ng litrato at bidyo ang aktibidad bandang 7:15, 9:00 at 10:09 ng umaga. Nagpalipad din ng drone sa perimetro ng komunidad, sa aktibidad at kahit sa palikuran ng delegasyon.

Hinarang noong Oktubre 13 ng Land Transportation Office (LTO)-MIMAROPA, AFP at PNP ang mga Mangyan-Iraya ng Sityo Malatabako at kanilang abogado, kasama ang delegasyon ng ISM, na patungo sa isang hearing sa Abra de Ilog Municipal Trial Court laban sa Pieceland Corporation. Inobliga ng LTO-MIMAROPA ang delegasyon ng ISM na ipakita ang kanilang mga ID bago pahintulutang dumaan.

Matatandaang kinasuhan ng Pieceland Corporation ang 32 Mangyan-Iraya sa Sityo Malatabako na nakibaka para igiit ang karapatan sa lupa sa kasagsagan ng laban sa pagbabakod ng naturang kumpanya sa lupaing ninuno. Kinakaharap ng mga katutubo ang mga kasong malicious mischief, trespassing at usurpation or occupation of real rights and properties. Mayo 2024 nagsimulang pumutok ang laban ng Mangyan Iraya sa sapilitang pagpapalayas ng Pieceland Corporation.

Sa kabila ng intimidasyon at panghaharang, tagumpay na nakarating ang mga Mangyan Iraya sa munisipyo para sa hearing.

Rizal. Hindi rin tinigilan ang Rizal team ng ISM ng 80th IBPA at NTF-ELCAC. Umaga pa lamang ng Oktubre 12, inimbestigahan at pilit kinuhanan ng pangalan ng 80th IBPA ang bawat delegasyon ng ISM. Naiulat din ang presensya ng mga militar sa pasilidad na tinutuluyan ng delegasyon. Bandang alas-3 ng hapon, nag-istasyon ng anim na militar sa may kulang 20 metrong layo sa pasilidad.

Sa kabila nito, tagumpay na nailunsad ang ISM kung saan nakapagkonsultahan ang tim sa mga komunidad ng Dumagat at inalam ang kanilang kalagayan kaugnay sa kawalan ng oportunidad sa trabaho at kinakaharap na militarisasyon at development agression sa kanilang lupaing ninuno. Nagsagawa rin ang ISM ng Basic Human Rights Orientation at pangkulturang aktibidad.

Kapwa kinaharap na problema ng Mindoro at Rizal tim ang burukratikong proseso ng barangay at munisipyo resulta na rin ng pananakot ng AFP, PNP at NTF-ELCAC sa mga lokal na yunit ng gubyerno. Hinihingan ng permit ang delegasyon para sa aktibidad na ilulunsad. Nagsagawa ng mga dayalogo ang parehong tim sa mga opisyal ng barangay ng Sta. Inez sa Tanay, Rizal at Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Bukod sa Rizal at Mindoro, tumungo rin ang ISM sa Eastern Samar at Negros Island. Lumundo ang ISM sa Asia Pacific People’s Conference on Climate Imperialism and Militarism sa Manila noong Oktubre 16-17 upang ilahad ang mga nalikom na datos kaugnay sa militarisasyon at inhustisya sa kapaligiran.

ISM sa Mindoro at Rizal, inatake ng AFP-PNP