Jordan “Ka Sy/Ka Moy” Mopon, magiting na kumander, pinarangalan

Iginawad ng Partido Komunista ng Pilipinas at Regional Operations Command ng BHB-TK ang pinakamataas na Pulang saludo at pagpupugay kay Jordan “Sa Sy/Ka Moy/Ka RF” Mopon, 40, sa kanyang pagkamartir noong Oktubre 17 sa Sityo Balagbag, Brgy. San Mateo, Norzagaray, Bulacan. Nabuwal siya sa labanan sa pagitan ng pasistang tropa ng 73rd DRC, 703rd Infantry Brigade para ipagtanggol ang mamamayan ng Sierra Madre.

Nagmula si Ka Sy sa isang pamilyang magsasaka sa Antipolo City, Rizal na namulat dahil sa hirap ng buhay. Naorganisa siya sa grupong pang-organisa ng mga kabataan sa edad na 16 at sumampa sa BHB pagsapit ng 18 noong 2003.

Kinakitaan si Ka Sy ng kasipagan sa pag-aaral at pagsasanay kaya mabilis na nahasa at napanday bilang rebolusyonaryo. Maaalala siyang matiyagang nagbabasa ng mga sulating militar nina Mao Zedong, Zhu De at Vo Nguyen Giap. Tinitingala siya ng mga Pulang mandirigma bilang hindi lamang mahusay na kumander sa labanan kundi masigasig na mag-aaral ng prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at mga rebolusyonaryong dokumentong militar.

Nagbigay din ng mensahe ng parangal si Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng Melito Glor Command-BHB TK at Panrehiyong Komite ng Partido sa Rizal. Ipinaabot nila ang kanilang taos-pusong pakikiramay sa mga kapamilya ni Ka Sy.

Ani Ka Cleo, “Tunay na ehemplo ang kagitingan ni Ka RF para sa mga nagpapanday na upisyal militar sa hanay ng NPA. Hamon sa bawat kasapi ng NPA ang pagsasapuso at pagsasabuhay ng kanyang diwang lipos ng kadakilalan. Walang pagod na pag-aralan ang paglulunsad ng digmang bayan at buong tapang na harapin ang kahirapan, sakripisyo at kamatayan.”

Jordan “Ka Sy/Ka Moy” Mopon, magiting na kumander, pinarangalan