Panggigipit ng AFP sa pamilya at pagkakait sa labi ni Ka SY, paglabag sa IHL

Inilibing noong Oktubre 23 sa Rizal ang rebolusyonaryong martir na si Jordan “Ka Boyong/Ka SY” Mopon. Siya ang tumayong punong kumander ng Narciso Antazo Aramil Command-BHB Rizal at ng subrehiyonal na kumand. Nabuwal siya habang magiting na nakikipaglaban sa mga pasistang 73rd DRC ng 703rd Infantry Brigade noong Oktubre 17 sa Sityo Balagbag, Brgy. San Mateo, Norzagaray, Bulacan.

Ito ay matapos ang serye ng panggigipit ng 80th IBPA sa pamilya at paralegal at Quick Reaction Team (QRT) na umalalay sa pamilya upang makuha ang labi, tiyaking walang paglabag sa internasyunal na makataong batas at mabigyan ng disente at maayos na libing si Ka SY.

Tahasang nilabag ng 80th IBPA ang internasyunal na makataong batas sa walang pakundangang pangha-harass sa pamilya, kaanak, mga kaibigan, mga taga-baryo at sa QRT mula sa pagkuha ng labi ni Ka SY hanggang sa paglilibing. Pinilit ni Lt. Col Mark Anthony U. Rubi, dating Battalion Commander ng 80th IBPA, ang pamilya na sumama sa kanila at hindi sa paralegal para ituro kung nasaan ang labi. Dahil hindi pumayag ang pamilya, hindi itinuro ng 80th IB at pinabayaang maghanap ang pamilya kasama ang QRT sa mga punerarya hanggang madaling araw para lamang matunton ang labi ni Ka SY. Napilitang pumayag ang pamilya na sumama sa militar dahil sa hirap na dinanas at pighating nararamdaman sa paghahanap sa labi ng kanilang mahal sa buhay.

Matagal na bininbin, pinabayaan at itinago ng militar ang labi ni Ka SY kaya umaalingasaw na ang amoy at lumobo na rin ang katawan nito. Nang masilayan ng isang kaanak at paralegal ang labi, nakita nilang putol ang kamay nito at may mga pasa sa katawan. Dahil sa ginawang pagsalaula sa labi ay hindi na magawang buksan pa ang kanyang kabaong sa burol.

Hanggang sa burol ay nakaranas ng harassment ang pamilya, QRT at buong komunidad. Hindi bababa sa 50 militar na naka-full battle gear ang nasa paligid lamang ng burol habang ang iba ay nakakalat sa buong sityo. Walang pasintabing kumukuha ng mga litrato ang mga intelligence agent at sundalo sa mga bisita at nagtayo ng checkpoint malapit sa burol. Pinepresyur ang pamilya na tanggalin ang tarpaulin na nagpapahayag ng pagpupugay kay Ka SY.

Hindi rin pinaligtas ng 80th IBPA ang mismong libing ni Ka SY. Walang pakundangang binastos ng mga ito ang pagluluksa ng pamilya. Ang lahat ng mga gamit na alaala ni Ka SY at mga simbolo ng pagpupugay na kanyang ibinilin sa pamilya kung siya ay mamatay gaya ng bandila ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan ay walang-modong hinablot ng isang ahente ng 80th IBPA sa proseso ng pagsisilid ng mga ito sa kanyang paglilibingan. Hindi na rin nagawang makapagprograma ng pamilya para kay Ka SY dahil sa panggigipit na ginawa ng mga militar.

“Kahit sa huling pagluluksa ng pamilya ay hindi man lang nakuhang magpakitang tao ng mga berdugo’t pusakal na 80th IBPA. Hindi na nakapagkubli pa, lumabas ang kanilang tunay na kulay, at naalisan ng maskara ang pagpapanggap nila ng pagbabait-baitan sa pamilya,” ani Ka Arman “Arms” Guerrero, tagapagsalita ng NDFP-Rizal.

Sa kabila ng matinding pagsupil ng rehimeng US-Marcos II, AFP, PNP at NTF-ELCAC, matagumpay pa ring naitanghal ng mga kapamilya, mga kaibigan at komunidad ang kadakilaan at kabayanihan ni Ka SY. Ipinahayag ng mga kaanak at komunidad sa social media kung ano ang ginagawa ng kasundaluhan sa kanilang baryo: manggulo, maglasing, magpasimuno ng droga, mambastos sa mga kababaihan, manligaw sa mga kababaihang menor de edad at mambugbog kapag nalalasing. Naganap ang mga ito nang magkampo ang AFP sa kanilang baryo at mga karatig. Ayon sa kanila, noong ang mga NPA ay nakakapunta pa sa kanilang sityo, tahimik at may kaayusan sila.

“Lubos ang pakikiramay at pagsuporta ng NDFP-Rizal sa mga kaanak at komunidad ni Ka SY na buo ang loob na ipagpatuloy ang pakikibaka ng pinag-alayan ng kaisa-isang buhay. Pagbabayarin ng BHB ang pasistang tropa ng AFP kung kaya’t nanawagan ang NDFP-Rizal na sumapi sa NPA, mag-armas at ibagsak ang nabubulok na sistema ng burukrata kapitalismo, pyudalismo at imperyalismo.” pagtatapos ni Ka Arms.

Panggigipit ng AFP sa pamilya at pagkakait sa labi ni Ka SY, paglabag sa IHL