Protesta ng mga kabataan, magsasaka at komunidad sa TK laban sa korapsyon, nagpapatuloy

Mula nang pumutok ang isyu ng korapsyon, sunud-sunod ang mga kilos protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa buwan ng Oktubre, patuloy na inihahatid sa lansangan ang paniningil ng mamamayan ng Timog Katagalugan sa katiwalian at kabulukan ng rehimeng US-Marcos II.

Walkout ng mga kabataan
Ipinamalas ng mga kabataang estudyante sa National Youth Day of Action Against Corruption noong Oktubre 17 ang kanilang galit sa estado at burukrata kapitalismo. Umabot ng lagpas 500 kalahok ang mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon habang may naglunsad pa ng online na pagkilos na nilahukan ng 150 netizen.

Sabayang nagkilos protesta ang mga kabataang estudyante sa kani-kanilang mga probinsya. Lumahok dito ang mga estudyante mula sa De La Salle University-Dasmariñas, National University-Dasmariñas, National College of Science and Technology, Asian Institute of Science and Technology, Cavite State University, University of the Philippines Los Baños, City College of Calamba, Lyceum of the Philippines University-Laguna, Pamantasan ng Cabuyao, Southern Luzon State University, Manuel S. Enverga University Foundation, Dalubhasaan ng Lunsod ng Lucena at iba pa.

Matagumpay na nailunsad ang kilos protesta sa kabila ng mga balakid na pinakana ng lokal na reaksyunaryong gubyerno sa TK tulad ng mahaba at malawakang suspensyon ng klase, hindi nito napigilan ang sumisilakbong diwa ng nagkakaisang pagkilos ng mga kabataan. Hindi lang ang isyu ng korapsyon ang binitbit ng mga kabataan sa pagkilos, kundi maging ang pagpapanagot sa panunupil, brutalidad at karahasan ng mga pulis sa Mendiola noong Setyembre 21.

Samantala, naiulat ang pagpakat ng 200 pulis sa harap ng mobilisasyon sa Rizal. Nagsagawa pa ang PNP Rizal ng mapanlinlang na relief operation drive sa mga komunidad para pigliang lumahok ang mga maralita sa pagkilos. Sa Cavite, sinalubong din ang protesta ng matinding intimidasyon at harassment ng PNP-Cavite, BFP at mga opisyal ng lokal na ahensya ng gubyerno. Nagkampo ang Anti-Crime Community Emergency Response Team sa tarangkahan ng People Power Monument sa Dasmariñas kung saan nagtipon ang mga kabataan.

Pagkilos ng mga magsasaka, komunidad
Naglunsad ng misang bayan at kilos protesta ang mga magsasaka sa Lemery, Batangas noong Oktubre 24 bilang paggunita sa unang anibersaryo ng paghagupit ng Bagyong Kristine.

Pinangunahan ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) – Batangas at alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK) ang protesta. Ipinanawagan nila ang kompensasyon sa kanilang kabuhayan. Giit nila na ibigay ang ang calamity funds para sa kanilang kabuhayan at labanan ang korapsyon ng gubyerno.

Sa Lucena City, Quezon, isinagawa ang Trillion Peso Lakad-Dasal noong Oktubre 24. Dala ng mga mamamayan ng Quezon ang panawagan para sa katotohanan, pananagutan at katarungan. Nakiisa rito ang Bantay-Kaban Quezon. Ayon sa kanila, “Ang laban sa katiwalian ay hindi lamang laban sa maling pamamalakad, kundi paninindigan para sa kinabukasan ng aming mga anak at ng buong lalawigan.”

Protesta ng mga kabataan, magsasaka at komunidad sa TK laban sa korapsyon, nagpapatuloy