Balita

₱200 dagdag-alawans sa militar, paboritismo at panunuhol ng rehimen sa mga sundalo

, ,

Binatikos ng iba’t ibang grupo ng manggagawa at kawani ng gubyerno ang isa na namang pagbibigay pabor ni Ferdinand Marcos Jr sa militar sa anyo ng pagdadagdag ng ₱200 sa arawang alawans ng lahat ng mga sundalo. Inilabas ni Marcos ang isang executive order noong Marso 14 para ipatupad ang pagbibigay nito.

Mula ₱150/araw, magiging ₱350/araw ang benepisyong ito, liban pa sa napakataas na nilang mga sweldo. Samantala, nasa ₱20-₱50 lamang ang idinagdag ng rehimeng Marcos sa batayang kabayaran ng mga guro at iba pang kawani ng gubyerno mula 2024 hanggang 2027. Nasa ₱29 hanggang ₱50 naman ang iginawad na dagdag sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ayon kay Vladimer Quetua, tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers, malinaw na ipinakikita nito ang paboritismo ng gubyerno sa miltiar.

“Habang bilyun-bilyong piso ang inilalaan para doblehin ang arawang baon ng mga sundalo, ang mga guro at mga kawani ng gubyerno, na siyang tinuturing na gulugod ng pampublikong serbisyo, ay nakatatanggap lamang ng napakaliit na pagtaas,” aniya.

Malinaw aniya na panunuhol ang dagdag-alawans sa militar para kunin ang kanilang katapatan. Bago nito, may lumitaw na alingasngas ng “disloyalty” sa administrasyon sa hanay ng mga sundalo, kasabay ng paglakas ng ugong na aarestuhin na si Rodrigo Duterte hanggang maisakatuparan ito.

“Binibigyan-katwiran ng gubyerno ang dagdag-alawans ng mga sundalo para tugunan ang mga paghihirap sa ekonomya, kulang na sahod, at tumataas na gastos ng pamumuhay. Pero di nito tinutugunan ang parehong pagdurusa at lumalalang kundisyon ng paggawa na kinakaharap ng mga guro at iba pang mga lingkod bayan. Ipinapakita nito na ang pangunahing layunin (ng rehimen) ay ang pagtiyak ng katapatan ng militar kaysa sa pagtugon sa mahahalagang pangangailangan ng mga kawani nito,” aniya.

Hindi dapat ginagamit ni Marcos ang dagdag kumpensasyon sa mga sundalo para palakasin ang kapit nito sa poder, habang pinababayaan ang iba pang mga kawani.

“Hindi ito katanggap-tanggap,” aniya. Panawagan niya na agad itaas ang sweldo ng bagong mga guro tungong ₱50,000 at ₱30,000 para sa pinakamababang kawani.

AB: ₱200 dagdag-alawans sa militar, paboritismo at panunuhol ng rehimen sa mga sundalo