Pagpapalaya sa Palestinong duktor, iginigiit ng dumaraming organisasyon
Paparaming internasyunal na organisasyon ang naggigiit para sa agarang pagpapalaya kay Dr. Hussam Abu Safiya, isang Palestinong duktor na iligal na inaresto at ikinulong ng Israel mula pa 2024. Lumakas ang panawagan matapos maglabas noong Hulyo 6 ang United Nations Working Group on Arbitrary Detention ng isang upisyal na ulat na nagdedeklarang arbitraryo ang kanyang pagkakabilanggo at labag ito sa internasyunal na batas sa karapatang-tao. Bago nito, noong Hunyo 16, ibinasura ng Korte Suprema ng Israel ang apela para sa kanyang paglaya, at pinagtibay ang kanyang detensyong administratibo hanggang Oktubre 2026.
Nakakulong si Dr. Safiya sa tinaguriang “Rakefet,” isang pasilidad sa loob ng Nitzan Prison na kilala sa pagiging brutal at di makatao. Dumaranas siya ng araw-araw na pambubugbog, sikolohikal at pisikal na tortyur, sekswal na pang-aabuso, malnutrisyon, pagpapahiya, at matinding kapabayaan sa kalusugan. Ayon sa kanyang abugado na bumisita sa kanya noong Hulyo 2, halos hindi na makilala ang duktor dahil sa malulubhang pinsala sa kanyang katawan at mga bago pang pasa sa paligid ng kanyang mga mata, tainga, at leeg. Hirap din siyang huminga at madalas na nawawalan ng malay. Malinaw na nasa bingit siya ng kamatayan.
“(A)ng patakaran ng Israel na pagtarget, pagdetine, at pagtortyur sa mga manggagawang pangkalusugan, bilang mga tagapangalaga at tagapagtanggol ng buhay, ay likas sa setler-kolonyal na pangarap (ng Israel) sa pamumuksa at pagpapalawak ng Greater Israel,” ayon sa International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa isang pahayag noong Hulyo 6.
Ayon sa mga ulat, sadyang pinupuntirya ng Israel ang mga manggagawang pangkalusugan tulad ni Dr Safiya. Mula Oktubre 2023, 1,700 na sa kanila ang pinatay ng Israel. May 446 na manggagawang pangkalusugan ang iligal na idinetine ng Israel sa parehong panahon, at anim sa kanila ang pinatay sa loob ng kulungan. Sa Lebanon, hindi bababa sa 135 manggagawang pangkalusugan ang pinatay sa mga pang-aatake ng Israel sa bansa.
Kabilang ang mga duktor at manggagawang pangkalusugan sa mahigit 11,000 Palestinong idinetine ng Israel mula Oktubre 2023. Kamakailan, ipinasa ng Israel ang batas na nagpapahintulot sa pagpataw ng parusang kamatayan na eksklusibo sa mga bilanggong Palestino. Pinatindi rin nito ang walang-pakundangang pang-aabuso at hindi mailarawan na malubhang kalagayan na ipinapataw sa kanila ng mga sundalo at upisyal ng bilangguan ng Israel.
“Nakikiisa ang Liga sa daan-daang medikal na propesyonal, mga organisasyon sa karapatang-tao, at mga aktibista sa buong mundo na humihiling ng agarang internasyunal na proteksyon, medikal na atensyon, at agarang pagpapalaya kay Dr. Abu Safiya,” ayon sa pahayag ng grupo.
Kasabay na nananawagan para sa proteksyon at agarang pagpapalaya sa duktor ang Amnesty International, UN Human Rights Office, at iba’t ibang grupong medikal.