Pag-aaral sa epekto ng Ahunan Dam sa Laguna, inilunsad ng mga siyentista’t mananaliksik
Naglunsad ng isang Environmental and Socio-Cultural Impact Mission (ESCIM) noong Hunyo 27-28 ang mga siyentista, mananaliksik at mga boluntir sa Pakil, Laguna upang alamin ang mga epekto ng pagtatayo ng Ahunan Dam sa naturang bayan. Pinangunahan ito ng mga grupong Advocates of Science and Technology for the People (AGHAM)-Southern Tagalog at Kalikasan-Southern Tagalog katuwang ang alyansa at organisasyong Network Opposed to Ahunan Dam at Mamamayang Nagmamahal sa Pakil.
Nilahukan ang misyon ng mahigit 60 katao mula sa iba’t ibang pamantasan at lugar. Sa loob ng dalawang araw, nagsaliksik sila sa epekto ng tinatayong dam sa saribuhay, katubigan, sa kabuhayan at kultura ng bayan.
Ang Ahunan Dam ay isang pumped-storage hydroelectric power plant na naglalayong lumikha ng 1,400 MW ng kuryente kapag nakumpleto. Kahalintulad ang disenyo nito sa kalapit na Caliraya Dam na itinayo noong 1939 sa bayan ng Kalayaan, Laguna. Hihigop ito ng 1.6 milyong metro kubiko ng tubig mula sa lawa ng Laguna at dadalhin sa isang reservoir sa taas ng bundok Sierra Madre.
Mariing tinututulan ng mamamayan ng Pakil ang pagtatayo ng dam. Ayon sa kanila, malaking banta ito sa pagpapalala ng pagguho ng lupa at pagpatay sa mga likas na bukal sa kabundukan. Mula nang nagsimula ang proyekto, wala ring tigil ang pagpuputol ng mga puno ng lanzones, santol, rambutan, niyog at iba pang mga prutas sa erya.
Apektado rin ng pagtatayo ang kulturang bayan ng Pakil. Itatayo ang Ahunan Dam sa tuktok ng bundok Ping-As, kung saan may simbahan na taun-taong inaakyat ng mga deboto kada huling linggo ng Mayo. Tinatawag ang debosyon na ito bilang Ahunan sa Ping-as.
Dahil sa pagpupunyagi ng mga Pakileño na pigilan ang proyekto, nakaranas sila ng panggigipit mula sa estado. Isa rito si Daisy Macapanpan na kinasuhan noong 2022 ng rebelyon dahil sa kanyang pagtutol sa dam. Nabasura ang kaso laban kay Macapanpan makalipas ang isang taon.
Inaasahan na mailalabas ang mga resulta ng ESCIM ngayong buwan ng Hulyo.
Burgesyang kumprador na si Razon
Ang Ahunan Dam ay pinopondohan at isinusulong ng malaking burgesyang kumprador na si Enrique K. Razon. Si Razon din ang may-ari ng Manila Water at may monopolyo sa importasyon sa Pilipinas.
Noong Hunyo 15, iniulat ng Forbes magazine na si Enrique Razon Jr, na may kabuuang yaman na nasa $18.8 bilyon (₱1.27 trilyon), ang ika-143 pinakamayaman sa buong mundo. Siya ang pinakamayamang Pilipino at tinaguriang unang “trilyunaryo” sa Pilipinas.
Pinakamalaking negosyo ni Razon ang International Container Terminal Services, Inc (na may kabuang kita ng ₱177.3 bilyon) Manila Water Co. (₱66.6 bilyon) at Bloomberry Resorts Corp (₱53.9 bilyon). May mga negosyo din siya sa sektor ng pagmimina, renewable energy, kuryente, real estate, langis at pamumuhunan. Pagmamay-ari din niya ang nasa 60% ng apat na gas-fired na planta ng kuryente na dating hawak ng mga Lopez.
Noong Marso, binili niya ang SierraCol Energy Limited, ang pinakamalaking independyenteng kumpanya ng langis at gas sa Colombia, mula sa The Carlyle Group.
—may mga ulat mula sa Kalatas, rebolusyonaryong pahayagan sa Souhern Tagalog