Makataong trabaho, disenteng sweldo, at makabuluhang suporta, panawagan ng mga guro sa DepEd
Nagprotesta ang mga guro sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa harap ng upisina ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City noong Hulyo 7, isang buwan matapos magbukas ang klase para sa taong panuruan 2026-2027. Iginiit nila sa kagawaran ang agarang aksyon laban sa hindi makataong dami ng trabaho sa ilalim ng 3-term school calendar at sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Ang 3-Term School Calendar ang binagong kalendaryo ng DepEd na naghahati sa schoolyear sa tatlong “terms” sa halip na ang tradisyunal na apat. Ang ARAL Program naman ang pambansang programa sa paghahabol sa pagkatuto (learning recovery) para diumano makaagapay ang mga mag-aaral na nahihirapan sa pagbabasa, matematika at syensya.
“Guro kami, hindi makina! Dagdag sweldo, hindi dagdag trabaho! Isang buwan sa loob ng schoolyear, nangangapa pa rin kami sa binagong sistema at lupaypay na sa dami ng trabahong ikinarga sa amin. Paulit-ulit kaming binibigo at isinasangkalan ng ahensya sa ora-oradang mga reporma, samantalang kapos pa rin ang sweldo, napag-iiwanan ang benepisyo, at pahirapan at limitado ang promosyon,” ayon kay Ruby Bernardo, tagapangulo ng ACT.
Iniulat ng ACT na marami sa mga guro ang nagtatrabaho nang sobra-sobra sa oras para maghanda, magtasa, gumawa ng mga ulat at iba pang tungkulin nang wala namang natatanggap na karampatang kumpensasyon.
“Hindi maituturing na matagumpay ang mga reporma kung umaasa lamang ang mga ito sa pagpiga ng karagdagang lakas-paggawa mula sa mga guro nang hindi tinutugunan ang mga sistemikong kakulangan sa sistema ng edukasyon,” ayon kay Bernardo. Aniya, ang pagsisikip sa mga silid-aralan, kakulangan sa guro, at kawalan ng mga education support personnel ay direktang nakaaapekto sa kalidad ng pagtuturo, kapakanan ng mga mag-aaral, at kaligtasan sa paaralan.
“Ito ay mga nasusukat na kakulangan na nangangailangan ng kaukulang pamumuhunan, hindi ng mga pansamantalang pagsasaayos sa administrasyon,” sabi ni Bernardo.
Binatikos din ng ACT ang limitadong pagkakataon sa promosyon sa ilalim ng sistemang Expanded Career Progression (ECP) na bukod sa kulang ay hindi rin sapat na pinopondohan.
“Hindi magtatagumpay ang career progression kung walang katapat na pampublikong pamumuhunan. Ang limitadong bilang ng mga plantilla items ay nagpapakita na ang gubyerno ay hindi sapat na nagpondo sa sarili nitong reporma. Para sa napakaraming guro, ang promosyon ay nananatiling isang pangarap lamang sa halip na isang pagkakataon,” ani Bernardo.
Muling iginiit ng ACT ang pagtataas ng sweldo ng mga bagong guro sa ₱50,000/buwan, pagtataas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) tungong ₱5,000, ang agarang suspensyon at pagrepaso sa 3-term school calendar at ang pagtatanggal sa ARAL program mula sa teaching loads ng mga guro. Mungkahi nitong magkaroon ng mga tutor para sa ARAL program, at bigyan sila ng makatarungang kumpensasyon. Nanawagan din ang grupo para sa mas mataas na badyet sa edukasyon upang mapabilis ang pag-empleyo ng dagdag na mga guro at education support personnel, pagtatayo ng dagdag na mga klasrum at pagbili ng mga sapat na kagamitang pang-eskwela.