10 katutubo sa Palawan, inaresto ng mga pulis
Inaresto ng mga pulis ang 10 residente at katutubong Molbog sa Sityo Marihangin sa Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan noong Mayo 15. Ang pag-aresto sa kanila ay kaugnay ng kasong grave coercion na isinampa ng dating direktor ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na si Atty. Caesar Ortega.
Ayon sa grupong Sambilog-Balik Bugsuk Movement, ang reklamo ni Ortega ay kaugnay sa insidente noong Hunyo 27, 2024, kung saan hinarang diumano ng mga residente ang paglapag ng kanyang mga tauhan sa pampang ng Sityo Marihangin. Isinangkot sa kaso ang lider ng mga katutubo na si Eusebio Pelayo at iba pang mga residente.
“Mariing itinanggi ng mga residente ang mga alegasyon, at iginiit na ipinagtanggol lamang nila ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno laban sa tangkang pagpapalayas at demolisyon,” pahayag ng grupo.
Noong araw na iyun, balak ng NCIP at ni Ortega na ihain ang sertipikong nagpapawalambisa sa apela ng mga katutubo para baliktarin ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang desisyon nitong saklawin ng notice of coverage ang lupain sa sityo. Nakatakda ring isagawa ang pagpapalayas sa kanila sa araw na iyon.
Kinakamkam ng Bricktree Properties, isang subsidyaryong kumpanya ng San Miguel Corporation (SMC), ang naturang lupa para bigyang daan ang pagtatayo ng Bugsuk Island Resort, isang proyektong ekoturismo na sumasaklaw ng mahigit 5,500 ektarya.
Kinasabwat ng SMC ang lokal na mga ahensya at upisyal upang itulak ang engrandeng proyekto nito sa kapinsalaan ng mga katutubo. Tinanggal ng DAR ang 10,821 ektaryang lupain sa Barangay Bugsuk at Pandanan sa saklaw ng programa sa repormang agraryo para bigyang daan ang konstruksyon ng resort.