2 bata, inabuso ng lasing na sundalo ng 59th IB

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Mothers and Children for Protection of Human Rights (MCPHR) ang panghihipo at sekswal na pagsasamantala ng isang lasing na elemento ng 59th IB sa isang dalagita sa Sityo Sales, Barangay Pook, Balayan, Batangas noong Marso 28. Liban dito, walang kadahi-dahilan ding binugbog ng sundalo ang kasamang 14-anyos na lalaki ng dalagita.

Ayon sa ulat ng mga grupo sa karapatang-tao, naliligo sa ilog sa hangganan ng bayan ng Calaca at Balayan ang mga bata at kabataan nang dumating ang lasing na sundalo. Walang-dahilan silang pinaahon sa ilog at saka hinipuan sa hita ang dalagita at sinuntok ang binata.

“Ang ganitong pangyayari ay sumasalamin sa patuloy na paglabag ng 59th IB sa mga karapatan ng kabataan,” pahayag ng MCPHR. Giit ng grupo, hindi ito ang unang pagkakataon na nilabag ng yunit militar ang karapatan ng mamamayan ng Batangas, laluna ng mga bata at kabataan. Kabilang sa mga kasong ito ang pagpatay sa 9-anyos na si Kyllene Casao at sekswal na pang-aabuso kay “Belle”.

Giit ng grupo na dapat papanagutin ang sundalong sangkot sa pang-aabuso sa mga kabataan. “Ang ating kolektibong pagkakaisa at pagkilos ay mahalaga upang maprotektahan ang ating mga kabataan mula sa karahasan at pang-aabuso,” ayon pa sa MCPHR.

AB: 2 bata, inabuso ng lasing na sundalo ng 59th IB