Balita

2 binatilyong mula sayawan, pinatay ng mga sundalo sa Masbate

,

Sa gitna ng kapaskuhan, pinagbababaril at pinatay ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naka-istasyon sa Barangay Paguihaman, Uson, Masbate ang dalawang binatilyong papauwi lamang galing sa sayawan sa naturang barangay. Kaagad namatay ang 18-anyos na si Redyan, residente ng katabing Barangay Mongahay, at 14-anyos na si JP, residente ng Barangay Mabini. Kapwa sila tinamaan sa ulo sanhi ng kaagad nilang pagkamatay.

Inamin mismo ng mga sundalo ang pagpatay sa dalawa. Anila, akala nilang mga armadong mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang dalawa.

Ayon sa mga ulat, alas-3 nang madaling araw ng Disyembre 27, pauwi galing sa isang Christmas party ang dalawang binatilyo nang makita sila at pagbabarilin ng mga sundalo na nakakampo sa barangay.

Binatikos ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate ang mga pasistang sundalo sa pagpatay sa dalawang binatilyo. Walang pagsusuri at hindi tiniyak ng mga sundalo kung armado o sibilyan ang dalawang biktima.

Aniya, malinaw na ipinakikita nito ang terorismo at karahasang inihahasik ng AFP sa mga komunidad na rason para itaboy at palayasin sila ng mga residente. “Hindi dapat magpatinag sa pananakot at pambabanta ng militar upang hadlangan ang pagsiwalat sa kanilang krimen at pagkamit sa hustisya sa lahat ng kanilang biktima,” ayon pa kay Ka Luz.

Hindi ito ang unang pagkakataon na pumatay ang mga sundalo ng AFP ng menor-de-edad sa Masbate sa ilalim ng rehimeng Marcos. Matatandaan na noong Hunyo 16, 2023 ay pinaslang ng 2nd IB ang 17-anyos na si Rey Belan nang paulanan siya at kanyang mga kasamang kabataan ng bala sa Barangay Calabad, Dimasalang. Nangangaso noon ang mga biktima nang makita ng mga sundalo. Pinalabas siyang “batang mandirigma” ng BHB na napatay sa engkwentro.

Sa harap ng walang taros na karahasang militar, nanawagan si Ka Luz sa masang Masbatenyo na “balik-aralan natin ang kasaysayan ng ating pakikibaka at humugot tayo ng aral mula rito para muling patatagin ang determinasyong labanan ang pasista at berdugong armadong pwersa ng estado…hanggang sa makamit natin ang tunay na hustisya at kapayapaan sa ating pinakamamahal na prubinsya.”

Nagpaabot ng pakikiramay at pakikidalamhati ang BHB-Masbate sa mga pamilya nina Redyan at JP.

AB: 2 binatilyong mula sayawan, pinatay ng mga sundalo sa Masbate