Balita

2 pinaslang ng AFP sa Negros Occidental, mga tauhan ng NDF-Negros

Kinumpirma ng National Democratic Front (NDF)-Negros sa isang pahayag na mga sibilyang tauhan nila ang dalawang indibidwal na pinaslang ng mga pwersa ng estado sa Negros Occidental noong unang linggo ng Marso. Anito, matinding paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ang ginawa ng mga pulis at militar na pagdukot at sadyang pagpaslang sa mga biktima.

Noong Marso 7, alas-8 ng gabi, dinukot ng mga operatiba ng Crime Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP) at mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sina Nonoy Ponteras (Ka Jojo) at Marisa Pobresa (Ka Kim) sa isang bahay sa Bacolod City. Pwersahan silang isinakay sa isang van at dinala sa hindi natukoy na lugar, kung saan sila tuluyang pinaslang.

“Ang bangkay ng dalawa ay dinala ng mga berdugo ni Marcos sa Sityo Paraiso, Barangay Caduhaan, Cadiz City. Kasunod na araw, nagpakalat ng kasinungalingan ang tagapagsalita ng militar na napatay diumano ang dalawa sa isang engkwentro lagpas ala-una ng umaga sa pagitan ng 79th IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB),” ayon kay Ka Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDF-Negros.

Nauna nang itinanggi ng BHB-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) ilang araw matapos ang insidente ang paratang na engkwentro. Anang yunit, walang presensya ng Pulang hukbo sa lugar at mga oras na iyon.

“Kasinungalingan at panlilinlang sa publiko ang pahayag ng 303rd IBde at 79th IB na nakapatay sila ng dalawang mataas na upisyal ng BHB,” pahayag noon ni Maoche Legislador, tagapagsalita ng BHB-Negros Island. Idiniin niya na nais lamang kubrahin ng mga upisyal militar ang pabuyang pera na nakapatong sa ulo ni Ponteras.

Ayon sa NDF-Negros, si Ka Jojo, 48 taong gulang, ay isa sa nangungunang upisyal ng NDF-Negros habang si Ka Kim, 23, ay isa sa tagapangasiwa ng panrehiyong tanggapan ng NDF. Dagdag pa nito, kabilang sa tungkulin ng dalawa ang makipagkonsultasyon sa mga manggagawa, magsasaka, manggagawang-bukid, at iba’t ibang maralita at aping sektor sa isla upang tulungan silang bigyang-boses ang kanilang mga daing at isulong ang kanilang mga pakikibaka.

“Ang traydor na pagpaslang kay Ka Jojo at Ka Kim ay bahagi ng nagpapatuloy na madugo at malupit na kampanya ng panunupil ng rehimeng US-Marcos sa isla ng Negros at sa buong bansa,” paninindigan ni Ka Bayani.

Dagdag nito, sa halip na harapin ang NDFP sa usapang pangkapayapaan para hanapan ng lunas ang ugat ng armadong sigalot sa bansa, pinipili ng rehimeng Marcos na pakawalan ang kanyang mga pasistang asong-ulol sa kanayunan at kalunsuran upang sindakin ang mamamayan.

Sa huli, ipinaalala ng NDF-Negros sa rehimeng US-Marcos na gaanupaman kalupit ay mabibigo ang pasismo ng estado na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan. “Hangga’t hindi nilulutas ang problema ng kahirapan, kagutuman, pang-aapi at pagsasamantala, babangon at babangon ang mamamayan at babagtasin ang landas ng armadong paglaban,” ayon kay Ka Bayani.

“Ang binhi ng rebolusyon na inihasik sa matabang lupa sa kanayunan at kalunsuran ay patuloy na yayabong at kakalat sa buong bansa. Marami pang Ka Jojo at Ka Kim ang sisibol,” pagpaparangal ni Ka Bayani sa dalawa.

AB: 2 pinaslang ng AFP sa Negros Occidental, mga tauhan ng NDF-Negros