Balita

29 Mangyan, inaresto sa pagtatanggol sa lupang ninuno

, ,

Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng pulis at mga pribadong tauhan at maton ng Hacienda Almeda ang di bababa 29 Mangyan-Iraya na mga residente ng asyenda sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Oktubre 18. Ayon sa ulat ng Mindoro Youth for Environment and Nation, kabilang sa mga inaresto ang 17 matanda at 12 na menor de edad.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin makontak o matunton ng mga kaanak ang inarestong mga biktima. Ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), malamang na kinumpiska ng pulis ang kanilang mga telepono sa presinto kung saan sila dinala.

Ang Hacienda Almeda ay bahagi ng 31 ektaryang lupang ninuno ng mga Iraya na inaagaw sa kanila sa pamamagitan ng panggigipit, militarisasyon, at panloloko gamit ang armadong mga maton at ahente ng estado. “Patuloy ang pang-aagaw ng lupang itinuturing bilang ancestral domain (lupang ninuno) ng mga Mangyan-Iraya, na orihinal na nakatira at nagbubungkal na sa Abra de Ilog,” pahayag ng Kasama-TK.

Binatikos din ng Kasama-TK ang pakikipagsabwatan ng mga Alemda sa mga burukratang kapitalista sa lokal na gubyerno at ng NCIP o National Commission on Indigenous People at ilang lokal na upisyal. “Imbes na maglingkod sa mga Mangyan, kakutsaba pa ito sa pagkakaantala at mabagal pa sa pagong na proseso sa pag-validate sa ancestral land kasabay pa ng pagtakas sa kanila ng legal assistant ng NCIP,” anang grupo.

Hanggang ngayon, walang pinanghahawakan na Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ang komunidad. Malinaw itong patunay sa kabulukan at pagiging kontra katutubo ng Indigneous People’s Rights Act kung saan nakapailalim ang CADT, ayon sa grupo.

Liban sa tahasang pang-aagaw sa kanilang lupang ninuno, kinahaharap din ng mga Mangyan-Iraya ang blokeyo sa pagkain at tubig, pagnanakaw sa kanilang mga hayop, gabi-gabing pagpapaputok ng baril ng mga mataon, paglalasing sa tabi ng mga kabahayan ng mga Iraya, pambabastos at panggagahasa sa kababaihan, at ang pananakot sa mga kabataan.

AB: 29 Mangyan, inaresto sa pagtatanggol sa lupang ninuno