3-araw na tigil pasada at protesta kontra jeepney phaseout, muling umarangkada
Muling naglunsad ng 3-araw na tigil pasada sa Metro Manila ang karaniwang tsuper at opereytor ng dyip laban sa kontra-mahirap at makadayuhang Public Utility Vehicle Modernization Program, ngayo’y Public Transport Modernization Program (PTMP) ng rehimeng Marcos. Sinimulan ito kahapon, Agosto 14, at tatagal hanggang bukas, Agosto 16. Pinangunahan ito ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay and Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela).
Nagmartsa kahapon patungong Mendiola sa Maynila ang libu-libong mga tsuper, opereytor at kanilang pamilya ngunit hinarang sila ng mga pulis sa Welcome Rotonda pa lamang. Dito na sila nagsagawa ng programa at kasabay na ipinarada ang may 100 mga dyip sa kahabaan ng kalsada dito. Nagsagawa rin ng protesta ang mga tsuper at opereytor sa Bacolod City at Iloilo City.
Ang welga at mga pagkilos ay tugon sa desisyon ni Ferdinand Marcos Jr noong Agosto 7 na isantabi ang Senate Resolution No. 1096 ng 22 mga senador na nagmungkahing ipasuspinde ang implementasyon ng programa. Layunin ng naturang resolusyon na bigyan ng panahon na matugunan ang mga isyu at usapin na inirereklamo ng mga tsuper at opereytor.
Dahilan ng mga senador ang mataas na bilang ng mga hindi konsolidadong dyip, mataas na presyo ng mga pampalit na mini-bus, pagbura ng isang simbolo ng kulturang Pilipino at mababang antas ng aprubadong mga plano para sa lokal na mga ruta, laluna sa mga prubinsya. Tanging si Sen. Risa Hontiveros, lider ng Akbayan Citizens’ Action Party, ang hindi pumirma sa resolusyon.
“Hindi ako sang-ayon sa mga senador dahil sinasabi nilang minadali ito,” pahayag pa ni Marcos Jr. Aniya, dapat na itong matuloy dahil ilang beses nang naantala, kahit pa masasagasaan ang libu-libong karaniwang tsuper at opereytor. Pumalakpak sa desisyong ito ni Marcos ang maka-negosyong mga upisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ang mga tau-tauhan nilang mga lider na malalaking opereytor mula sa grupong “Magnificent 7.”
Muli nilang iginiit sa rehimeng Marcos na ipatigil ang jeepney phaseout. Kinwestiyon din ng Piston at Manibela ang sinasabi ng LTFRB na nagkonsolida na ang 80% ng mga PUVs. Ayon sa kanila, marami sa mga tsuper at opereytor ang napilitan lamang na magpa-konsolida bunsod ng takot at panganib ng pagkawala ng kanilang kabuhayan.
“Huwag nating palampasin ang mga palusot ng rehimeng Marcos Jr sa pagpapatuloy niya ng negosyo at makadayuhang modernization program para lalong linlangin, takutin, at hatiin ang ating hanay at ilihis ang atensyon ng publiko mula sa malinaw na kapalpakan ng programang ito,” pagdidiin ng Piston.
Bago ang welga, nagkaroon ng protesta ang Piston sa upisina ng LTFRB sa Quezon City noong Agosto 9 at Agosto 12. Samantala, nagkilos-protesta rin ang mga tsapter ng Manibela sa Caloocan City at Las Piñas City noong Agosto 12.
Mula Enero ngayong taon, tuluy-tuloy na mga tigil-pasada at kilos protesta ang inilunsad ng Piston at Manibela para sa pagpapabasura sa jeepney phaseout.