3 kabataang tanggol-katutubo, dinukot ng 203rd IBde sa Mindoro

,

Tatlong kabataang lingkod-katutubo ang dinukot ng mga pwersa ng 4th IB at 203rd IBde sa Sityo Malaglag, Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro noong Setyembre 19. Ang mga biktima ay kinilala bilang sina Job Abednego David, Jimby del Monte, at Alia Encela. Nakumpirma ngayong araw ng Karapatan-Southern Tagalog na nakakulong sa kampo militar ng 203rd IBde sa bayan ng Bansud ang tatlo.

Sa isang pahayag ng 4th IB, pinalalabas nitong mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isla ang tatlo na nadakip noong Setyembre 23. Nasamsam umano sa kanila ang mga kagamitang militar na pampasabog. Isinapubliko ang “pag-aresto” apat na araw matapos silang dukutin.

Ang tatlong aktibistang lingkod-katutubo ay nasa lugar para umagapay sa kalagayan ng katutubong Mangyan na hinagupit ng militarisasyon at imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang-tao ng 203rd IBde. Nagpunta sila sa Barangay Lisap para alamin ang epekto sa komunidad ng ginawang pambobomba at panganganyon ng mga sundalo noong Abril at Mayo.

Nagsasaliksik din sila sa dinaranas na hirap ng mga taga-Bongabong na naapektuhan ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng mapanirang pakukwari ng armour rocks dito. Ang mga taga-Bongabong ay pangunahing nakasalalay sa pagtatanim ng palay at pagkokopra.

Nakipag-ugnayan ngayong araw ang humanitarian team ng Karapatan-Southern Tagalog sa upisina ni 2nd District Representative Cong. Alfonso Umali Jr para alamin ang kinaroroonan at kalagayan ng tatlong aktibista.

Ayon sa grupo, nangangamba sila sa kaligtasan ng tatlo dahil dalawang linggo na silang hawak ng militar nang walang representatsyong ligal. “Walang ligal o moral na batayan ang pagkustodiya ng mga militar sa tatlo at dapat na kagyat at ligtas silang palayain mula sa iligal na pagkakapiit,” dagag pa nila.

Naglunsad ng protesta ngayong araw ang mga kabataan mula sa University of the Philippines-Diliman at Polytechnic University of the Philippines para ipanawagan ang kagyat na paglilitaw sa tatlo at ligtas na pagpapalaya.

‘Modus operandi’ ng militar

Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang tinawag nitong modus operandi ng militar na pagdukot sa mga aktibistang panlipunan at pagpapailalim sa kanila sa tortyur sa mga sikretong detensyon. Ayon kay Marco Valbuena, ang upisyal sa impormasyon ng PKP, malisyosong binabansagan ng mga pwersa ng estado na mga “terorista” ang mga biktima sa pag-aakalang mabibigyang-katwiran ang kanilang krimen ng iligal na detensyon at pagtoryur.

Ani Valbuena, dumarami ang bilang ng mga indibidwal, kabilang na ang mga aktibistang panlipunan, tagapagtanggol ng kalikasan, gayundin ang mga rebolusyonaryo sa kilusang lihim at mandirigma ng BHB, na dinudukot ng militar at ikinukulong sa sikretong mga pasilidad at “safe house.” Giit pa niya, ang mga ito ay labag sa kanilang batayang karapatang pampulitika at sibil, at maging sa internasyunal na makataong batas.

Nagagawa umano ito ng mga pwersang militar at pulis, maging ng National Task Force-Elcac, nang walang pananagutan at may lakas nang loob dahil sa pag-iral ng mapanupil na Anti-Terrorism Act of 2020.

AB: 3 kabataang tanggol-katutubo, dinukot ng 203rd IBde sa Mindoro