5-araw na piket sa Maynila, inilulunsad ng mga empleyadong tinanggal sa BACIWA

Nagtungo sa Maynila ang mga tinanggal na empleyado ng Bacolod City Water District (BACIWA) upang magpiket-protesta sa pambansang tanggapan ng Civil Service Commission (CSC) sa Quezon City mula Enero 29 hanggang Pebrero 2. Giit nilang ibasura ang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Prime Water ng mga Villar at BACIWA na dahilan ng pagkawala ng kanilang trabaho at pagpapailalim ng serbisyo ng BACIWA sa kontrol ng pribadong korporasyon.

Bumiyahe sa Metro Manila ang mga manggagawa ng BACIWA Employees Union (BEU) mula sa Bacolod City, Negros Occidental para labanan ang apela ng pamunuan ng BACIWA at PrimeWater sa naging hatol ng CSC Region 6 na pabor sa tinanggal na mga manggagawa. Naipagtagumpay ng unyon ang kaso noong 2021 para ibalik sa trabaho ang mga sinisante.

Nagtungo noon pang Abril 2023 ang mga manggagawa sa upisina ng CSC para iprotesta ang mabagal na pag-usad ng kaso ng kanilang reinstatement. Muli nilang ipinanawagan na aksyunan na ang apela ng BACIWA.

Tinanggal ang 59 empleyado ng BACIWA noong Disyembre 2020 matapos ang pribatisasyon at pagpirma sa JVA sa pagitan ng BACIWA at ng Prime Water Incorporated na pag-aari ng pamilyang Villar noong Nobyembre 16, 2020. Inalis sila sa pwesto dahil sila diumano’y redundant na o may iba nang gumagawa ng kanilang trabaho sa BACIWA.

Nagpaabot ng pakikiisa at suporta ang Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa piket-protesta ng mga manggagawa ng BACIWA. Giit ng grupo na tugunan na ng CSC ang kaso dahil higit tatlong taon nang walang trabaho ang mga manggagawa.

Nakipagdayalogo rin ang mga kinatawan ng BEU at tinanggal na mga manggagawa sa ilang kinatawan ng Kongreso ngayong Enero 31. Idinulog nila ang kanilang panawagan para sa kagyat na pagbalik nila sa trabaho.

AB: 5-araw na piket sa Maynila, inilulunsad ng mga empleyadong tinanggal sa BACIWA