98 kumpanyang call center, nagsasapanganib sa mga manggagawa
Naglabas ang BPO Industry Employees Network (BIEN) noong Nobyembre 9 ng listahan ng 98 kumpanyang call center na nagbabalewala sa kanilang kaligtasan. Kasabay ito sa kanilang panawagan sa Department of Labor and Employment (DOLE) na protektahan sila laban sa pamimilit ng naturang mga kumpanya na pumasok sila sa trabaho sa gitna ng superbagyong Uwan. Anila, pagsasapanganib ito sa kanilang buhay para lamang matiyak ang kita ng dayuhang mga kumpanya.
“Nananawagan kami sa DOLE na agarang umaksyon. Tawagan ang mga kumpanyang ito na namimilit sa kanilang mga manggagawa na pumasok sa trabaho kahit sa di ligtas na kundisyon,” pahayag ng BIEN. Dapat tiyakin ng DOLE na walang manggagawa ang mapaparusahan, pagmumultahin o ilalagay sa pwersahng pagbabakasyon kapag pinili nila ang kanilang kaligtasan.
Iginiit din ng BIEN sa mga kumpanya na magsuspendi ng trabaho at bigyan ang mga manggagawa ang emergency leave with pay o may bayad tuwing may mga superbagyo.
Ang pinangalanang mga kumpanya ay nakabase sa Metro Manila, Tarlac at Pampanga. Mga lugar ito na tinatayang malubhang tatamaan ng bagyo. Nasa listahan din ang mga call center sa Iloilo at Cebu. Kamakailan lamang, dumanas ang mga ito ng hagupit ng Bagyong Tino.