Balita

Kumpanyang BPO, siningil sa kapabayaan sa kaligtasan ng mga manggagawa

Nanawagan ang BPO Industry Employees Network (BIEN) ngayong araw, Disyembre 30, sa Bureau of Fire Protection (BFP) na pansamantalang ipatigil ang trabaho sa kumpanyang Alorica matapos masunog ang bahagi ng gusali nito noong Disyembre 21. Hinihingi ng grupo sa ahensya na maglabas ito ng nakasulat na Work Stoppage Order para itulak ang kumpanya na iprayoritisa ang kaligtasan ng mga manggagawa dito.

Ayon sa mga ulat, nagsimula ang sunog sa ika-6 na palapag ng Alorica alas-9:30 ng gabi noong Disyembre 21. Hindi naalerto ang mga manggagawa na noo’y nagpapahinga sa ika-14 na palapag dahil di gumana ang mga fire alarm. Na-evacuate lamang sila sa gusali dahil sa nag-inisyatiba ang mga kapwa nila manggagawa na sabihan sila sa nagaganap na sunog.

Sa kabila ng wala pang clearance kung ligtas ang gusali mula sa BFP, agad na ipinabalik ng Alorica ang mga manggagawa sa trabaho sa sumunod na araw, Disyembre 22. Walang ibinigay na suportang medikal ang kumpanya sa mga manggagawang naapektuhan ng sunog at usok. Sinabihan pa ang mga ito na “nag-iinarte” (acting out) lamang noong sila ay magreklamo.

Ayon sa BIEN, ang estilong “business as usual” ng kumpanya ay “nagsusugal sa mga buhay ng mga manggagawa.”

Noong Disyembre 27, sumulat ang BIEN sa Department of Labor and Employment para iparating ang mga pag-aalala sa kaligtasan ng gusali at hilingin na isagawa ang imbestigasyon sa potensyal na mga usapin ng kaligtasan ng mga call center agent na nagtatrabaho sa gusali. Nanawagan din silang pansamantalang isara ang upisina ng Alorica at ilipat sa ibang gusali ang mga manggagwa habang isinasagawa ang assessment at pagkukumpuni.

Noong Disyembre 29, nabanggit na ng BFP ang possibleng paglalabas ng work stoppage order pero wala itong inilabas na nakasulat na kautusan.

“Hindi sapat ang berbal na mga pahayag habang ang buhay, kalusugan at trabaho ng mga tao ang nakataya,’ ayon kay Mylene Cabalona, pambansang pangulo ng BIEN. Panawagan niyang kagyat na ilabas ng BFP ang nakasulat na kautusan direkta sa mga empleyado o kanilang mga kinatawan.

“Ang kaligtasan ay isang pundamental na karapatan, hindi isang mungkahi,” aniya.

AB: Kumpanyang BPO, siningil sa kapabayaan sa kaligtasan ng mga manggagawa