AFP at PNP, pinagpapaliwanag sa pagkawala ng 2 aktibista

Isinapubliko noong Disyembre 9 ng Korte Suprema ang isang resolusyon kung saan inatasan nito ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang upisyal ng gubyerno na ipaliwanag ang pagkawala ng dalawang aktibista. Ang naturang resolusyon ay may petsang Nobyembre 29.

Tugon ang naturang resolusyon sa isinumiteng petisyon noong Nobyembre 4 para sa isang writ of amparo ng mga kapamilya ng nawawalang mga aktibistang sina Ma. Elena “Cha” Pampoza at Elgene “Leleng” Mungcal. Mga kasapi ng Gabriela at Anakpawis ang dalawa. Huli silang namataan sa Moncada, Tarlac noong Hulyo 3.

Ang writ of amparo ay isang ligal na remedyo para sa mga taong nilabag ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad o may banta ng “labag sa batas na aksyon o kawalang aksyon ng pampublikong upisyal o empleyado, o ng pribadong inidibidwal o entidad.”

Ipinagkaloob ng Korte Suprema ang isang atas ng pansamantalang proteksyon sa mga kaanak at kapamilya ng mga biktima. Pinagbawalan ng korte na lumapit nang isang kilometro sa mga pinangalangan sa petisyon ang mga pulis at sundalo.

Kabilang sa mga pinangalanganan sina: PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., tumatayong Central Luzon police chief Police Brigadier General Cesar Pasiwen, AFP chief-of-staff General Bartolome Vicente Bacarro, AFP Northern Luzon Command chief Lieutenant General Ernesto Torres Jr., deputy chief-of-staff for intelligence Major General Romulo Manuel, 7th ID commander Brigadier General Andrew Costelo, 702nd IBde Brigadier General Krishnamurti Mortela, 3rd Mechanized IB commander Lieutenant Colonel Jeszer Bautista, 790th air base group commander Lieutenant Colonel Joseph Revilla, National Intelligence Coordinating Agency chief Ricardo de Leon, at Susan Lazaga.

Inatasan ng Korte Suprema ang mga pinanganlanan nito na humarap, magpaliwanag at patunayang wala silang kinalaman sa pagkawala ng dalawa o nilalabag na mga karapatan. Ipinasisiwalat din ng korte ang lahat ng mahahalagang impormasyong hawak ng mga ito kaugnay ng mga nawawala at kanilang kaanak. Dapat itong gawin sa loob ng 20 araw ayon pa sa atas ng mga mahistrado.

Simula pa Hulyo, ang mga pamilya ng biktima at iba’t ibang grupo sa karapatang-tao ay naglunsad ng mga fact finding mission, pagbisita at paghalughog sa mga kampo militar, ospital at mga punerarya sa layuning matunton ang mga nawawala. Dumulog na din sila sa Commission on Human Rights noong Hulyo 13 para magpatulong sa pagtunton sa kinaroroonan ng dalawa.

Nagpahayag ng pagkalugod ang pamilya sa desisyon ng Korte Suprema na pumanig sa kanila. “Tuloy ang laban natin! Hinihikayat namin ang publiko na suportahan ang panawagang kagyat na ilitaw sina Cha, Leleng, Loi, at Ador.”

AB: AFP at PNP, pinagpapaliwanag sa pagkawala ng 2 aktibista