Balita

AFP, kinastigo sa pagsasayang ng pondo ng bayan sa pagbili ng mga Brahmos Missile mula sa India

,

Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas ang AFP sa pagbili nito ng BrahMos supersonic cruise missile system na hindi nito ginagamit at nakatengga lamang sa mga bodega sa Zambales. Binili ang mga BrahMos sa halagang $375 milyon bilang bahagi ng programang modernisasyon ng AFP.

Noong Abril 23, dumating ang pangalawang bats ng mga misayl sa Pilipinas. Ang unang bats ay dumating sa bansa noon pang Abril 2024. Nakatengga ang unang bats sa isang bodega dahil walang inihandang angkop na paglalagakan ang AFP. Naging dahilan ito kung bakit itinulak ni Sen. Chiz Escudero na bawasan ng ₱10 bilyon ang badyet para sa “modernisasyon” ng AFP para sa 2025. Inamin mismo ni Defense Sec. Teodoro na wala pa ring paglalakan ang pangalawang bats ng mga misayl.

“Bili nang bili, wala namang paggagamitan, inaalikabok lang,” pahayag ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng CPP. “Sobrang aksaya ng pera ng bayan.”

“Sa gitna ng gutom at paghihirap ng milyun-milyong Pilipino, labis na nakapanggagalaiti ang pagtatapon ng AFP at ni Marcos ng pera para sa mga sandata,” ani Valbuena.

Pinirmahan ang kontrata para rito noong Enero 2022 sa pagitan ng Pilipinas sa ilalim ni Rodrigo Duterte at ng BrahMos Aerospace, isang kumpanyang sosyohan ng India at Russia. Inilako ito noon bilang bahagi ng arsenal para sa “palakasin ang depensa sa mga baybay” sa harap ng “agresyon ng China.” Dumating sa bansa ang unang batch ng mga misayl na nagkakahalaga ng ₱8 bilyon noong Abril 2024.

“Binili kasi iyang mga BrahMos sa pamimilit ni Duterte, at labag-sa-loob na pumayag na lang noon si Lorenzana at ang US,” ani Valbuena. “Hindi malayong malaki-laki ang ibinulsa ni Duterte sa mga kontratang iyan, na hindi naman makansela dahil ikasasama ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas sa India.”

“Malamang inaagiw at binabahayan na ng anay ang mga BrahMos na iyan,” sabi ni Valbuena. “Papayag ba naman ang US na unahin pang gamitin ng AFP ang mga armas na gawa ng Russia at mga kasosyo nito. Sa kabilang panig, papayag ba naman ang Russia at China na itutok ang Brahmos laban sa kanila?”

Matatandaang may ipinwesto na ang US na Typhon Missile System at NMESIS (mga sistemang tulad ng BrahMos) sa bansa. Pinaniniwalaang naka-deploy ito sa Batanes at nakatutok sa China. Sinasanay ng US ang mga sundalong Pilipino para gamitin ito.

“Ang sinasabing modernisasyon ng AFP ay nakatali sa US,” ayon kay Valbuena. “Ginagawa nitong tambakan ang AFP ng pinaglumaang mga armas at sasakyang-militar at iba pang produktong may sobra silang suplay.”

Matatandaang ipinakansela ng US ang pagbili ng Pilipinas ng mga helikopter mula sa Russia noong 2021 at sa halip ay itinulak na bumili ng CH-47 Chinook na gawa ng Amerikanong kumpanyang Boeing. Hindi na nabawi ng Pilipinas ang paunang ibinayad nitong ₱1.9 bilyon sa Russia.

AB: AFP, kinastigo sa pagsasayang ng pondo ng bayan sa pagbili ng mga Brahmos Missile mula sa India