Balita

Alingasngas ng kudeta sa AFP, salamin ng bulok na sistema sa militar—PKP

,

Kinumpirma ng pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr noong Mayo 28 ang alingasngas ng kudeta at iringan sa hanay ng mga upisyal militar ng rehimeng Marcos. Ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), hindi na kagulat-gulat ang umuugong na kudeta.

Buong yabang na tiniyak ni Gen. Brawner sa rehimeng Marcos na walang magaganap na kudeta hanggang siya ang pinuno ng AFP. Aniya, hindi ito magaganap dahil ang AFP ay nananatiling “malakas, propesyunal at mahigpit na matapat” sa chain of command. Pinagbanataan din ng hepe ang sinasabi niyang nagpapakalat ng alingasngas ng kudeta.

“Hindi na kami nagulat na umuugong na naman ang mga pakanang kudeta sa loob ng AFP. Lalo lamang itong kinumpirma ng ginawang pagtatanggi ni Gen. Romeo Brawner Jr na may iringan sa loob nito,” pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP.

Aniya, “alam na alam ng lahat na may kani-kanyang paksyon sa AFP ang mga pulitiko, kahit piliting palabasin ng AFP na isa silang “propesyunal” na hukbo.” Matapat lamang umano ang mga heneral sa kung sino ang nagsabit sa kanila ng medalya. “Marami ay na kay Marcos na, pero mayroon pang iba na tapat kay Duterte,” dagdag niya.

Gayunman, inilinaw ni Valbuena na kahit kaninong pulitiko man kumakapit ang mga heneral at upisyal militar ay “pare-pareho silang kurakot, pasista at papet ng US (bagaman may ilan na nililigawan ng China).” Aniya, “walang kabusugan sa kurakot ng mga upisyal nito.”

Pagdidiin ni Valbuena, “napakayabang ng AFP pero kung wala ang US [ay hindi] ito makatatayo nang sarili. Kahit hindi umano aminin ng AFP, ang mga upisyal militar ng US ang totoong nagpapatakbo ng naturang institusyon. [Ito] ang nagbibigay ng armas, doktrina, direksyon at treyning,” aniya.

Patung-patong na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao rin ang kinahaharap ng AFP at mga yunit sa ilalim nito. Kabilang dito ang napakaraming kaso ng pagpatay sa mga tao—sibilyan man, bata, babae o mga Pulang mandirigmang wala nang kakayahang lumaban.

Sa harap ng mga krimen na ito ng mga sundalo, nanawagan si Valbuena sa mga nakabababang upisyal at mga elemento ng CAFGU laluna sa mga nagmula sa uring magsasaka at iba pang anakpawis na umalis na sa serbisyo. “Sa mga pinupwersa ng mga tropa sa mga barangay, maging matatag at tanggihan ninyo ang mga pamimilit. Sa mga naeengganyong magsundalo dahil sa laki ng sweldo, huwag na kayong tumuloy sa impyerno ng AFP,” aniya.

AB: Alingasngas ng kudeta sa AFP, salamin ng bulok na sistema sa militar—PKP