Balita

Ambus ng BHB-Sorsogon, tugon sa daing ng mga Sorsoganon

Napatay sa ambus si Cpl. Rodel Felismino habang sugatan si Pfc Jamil Forte sa inilunsad ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Sorsogon (Celso Minguez Command) noong Setyembre 6, bandang 11:30 ng umaga, sa Sityo Sabang, Barangay Calpi, Bulan, Sorsogon. Ang dalawa ay kabilang sa yunit ng 22nd IB na nakabase sa Barangay Calmayon, Juban.

“Ang naturang aksyon ay tugon ng NPA-Sorsogon sa daing ng mamamayan sa iba’t ibang baryo ng Magallanes, Bulan, Irosin at Juban na hinaharas at ginigipit ng mga sundalo sa mga operasyong militar sa lugar mula pa noong Marso,” ayon kay Ka Samuel Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Sorsogon.

Bahagi rin ito ng pagbubunyi ng mga pulang hukbo para sa kabayanihan ni Arnel “Ka Mando” Estiller at iba pang kasamang nag-alay ng buhay sa rebolusyonaryong pakikipaglaban, ani Ka Samuel.

Nagpahayag ng determinasyon ang BHB-Sorsogon na tutugunan ang mga reklamo ng taumbayan at ipagtatanggol sila laban sa mga pasistang pwersa ng estado. Sisikapin din nilang palaganapin ang gayong mga aksyon sa iba pang bahagi ng probinsya.

AB: Ambus ng BHB-Sorsogon, tugon sa daing ng mga Sorsoganon