MTRCB, binawi ang pagbabawal na ipalabas sa mga sinehan ang dokumentaryo tungkol sa desaparesidos
Naitulak ng mga grupo sa karapatang-tao at mga demokratikong organisasyon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na pahintulutang maipalabas sa mga sinehan ang dokumentaryong “Alipato at Muog” ni JL Burgos. Kasunod ito ng desisyon ng MTRCB na bigyan ng R-16 Rating ang pelikula sa ikalawang pagrebyu dito noong Setyembre 5. Kasabay ng rebyu ng MTRCB, nagsagawa ng piket ang mga tagasuporta ng pelikula.
Ang bagong rating sa pelikula ay tahasang pagbaligtad sa naunang X Rating na ibinigay ng MTRCB dito noong Agosto 22 sa una nitong pagrebyu. Ang “X Rating” ay pagbabawal na ipalabas ito sa mga sinehan. Ginamit ng MTRCB ang isang batas na gawa noon pang batas militar na nagbabawal magpalabas ng pelikulang “may tendensyang pahinain ang pananalig at tiwala ng mga tao sa kanilang gubyerno at/o nakaluklok na awtoridad.”
“Tagumpay tayo! Tagumpay ang mamayang lumalaban!” pahayag ni Burgos. Pinasalamatan niya ang lahat ng mga tagasuporta na sumuong sa ulan para magpiket sa MTRCB at igiit ang kalayaan sa pagpapahayag.
Ang “Alipato at Muog” ay tungkol sa paghahanap ng kasagutan sa pagdukot sa kapatid ni JL na si Jonas Burgos. Si Jonas ay isang aktibistang dinukot ng mga pwersa ng estado sa isang mall sa Quezon City noong 2007. Ang sasakyan na gamit ng mga pwersa ng estado ay na-trace sa isang kampo ng militar. Halos dalawang dekada na ang nakalipas, ngunit walang kasagutan at napapanagot sa pagkawala ni Jonas.
“Hindi pa po tapos ang laban. Mahaba haba pa ang dapat natin lakbayin. Madami pa rin ang dinudukot. Wala pa din si Jonas. Pero ito ang tiyak ko: Hindi na lang kami ang maghahanap sa kuya ko,” pahayag ni JL.
Umaasa naman ang grupong Karapatan na makatutulong ang pagpapalabas ng pelikula sa mga sinehan na ipabatid sa mas marami ang krimen ng sapilitang pagwawala. “Sana mahikayat nito ang publiko na makisangkot sa mga kampanya para ilitaw ang mga winala,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala ng Ang Bayan ang 153 biktima ng pagdukot. Sa mga ito, hindi bababa sa 43 ang desaparesido at di pa rin natatagpuan. Samantala, 32 sa mga dinukot ang pinaslang, 29 ang ikinulong, 10 ang pinalalabas na “sumurender,” at 39 ang inilitaw ngunit patuloy na ginigipit ng estado. Sampu sa mga biktima ay mga bata na ginawang “hostage” ng militar. Marami sa mga kaso ay naitala sa kanayunan sa panahon ng matitinding operasyong kombat ng militar.