Kumpensasyon at suportang pinansyal, giit ng mga magbubukid
Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Amihan National Federation of Peasant Women ng makatarungang kumpensasyon at suportang pampinansya para sa mga magsasaka at maralitang sinalanta ng bagyong Enteng sa nagdaang linggo. Umabot na sa ₱659 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura batay sa taya ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction and Management ngayong araw, Setyembre 6.
Sinira ng bagyo ang tinatayang 28,788 metriko toneladang pananim. Pinakamalaki ang pinsala sa palay sa halagang ₱624 milyon. Hindi bababa sa 27,598 mga magbubukid mula sa Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, at Eastern Visayas ang naapektuhan. Pinakatinamaan ng bagyo ang Camarines Sur.
Sa inisyal na ulat ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), umaabot sa halos 400 ektaryang palayan sa mga bayan ng Libon sa Albay at Nabua at Bato sa Camarines Sur ang nananatiling nakalubog sa baha. Ayon sa mga magsasaka, karaniwang humuhupa ang tubig baha matapos lamang ang isa hanggang dalawang buwan. Umaabot ang taas ng tubig hanggang bewang o lagpas tao (6-8 talampakan).
Tinatayang 90-100% ang napinsala sa mga binahang palayan na aanihin na dapat ngayong Setyembre. Nasa 5-10 kaban na lamang ang maaani at hindi na maganda ang kalidad ng palay, anang grupo. “Halos lahat ng ginastos sa pagtatanim ay inutang at hindi na makakapagbayad,” dagdag ng KMB.
“Nakakabahala na wala man lang ni katiting na nakalaang badyet ang DA para sa kumpensasyon at danyos sa mga magsasaka at mangingisdang biktima ng mga kalamidad,” ayon kay Cathy Estavillo, Gabriela Women’s Party Consultant on Peasant Women Affairs at pangkalahatang kalihim ng Amihan.
Ayon mismo sa KMB, ilang araw na makalipas ang Bagyong Enteng ay hindi pa rin sila napupuntahan ng DA. Giit ng grupo, “dinggin ang mga kahilingan ng mga magsasakang nasalanta ng Bagyong Enteng kabilang ang mga manggagawang bukid na nawalan ng kita ay bigyan ng ayudang pinansyal.”
Pagdidiin ni Estavillo, umaabot sa ₱60,000 ang gastos sa palayan sa bawat ektarya. “Malaking bahagi sa puhunan inuutang pa ng mga magsasaka. Kung wala silang makukuhang kumpensasyon at ayuda, paano nila maitatawid ang kabuhayan at pagkain nila sa darating na anihan at sa kasunod pa?”
Dagdag ng Amihan, may pananagutan ang malalaking negosyo at burukratang kapitalista sa matitinding pagbaha dahil pinatitindi ng kanilang mga proyektong mapanira sa kalikasan ang mga pagbaha at pagguho ng lupa. Kabilang umano dito ang mga proyektong reklamasyon, talamak na land use conversion, mapangwasak na pagmimina, iligal na pagtotroso, pagpapalawak ng mga plantasyon.
Ganito rin ang sentimyento ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya). Anang grupo, kapansin-pansin sa Manila Bay noong panahon ng bagyo ang mas malalakas na hampas ng alon sa mga komunidad sa baybayin. Itinuturo nilang salarin dito ang seabed quarrying o dredging at reklamasyon sa Manila Bay.
“Hindi na pangkaraniwan ang lakas ng hampas ng alon sa mga baybayin simula nang magkaroon ng dredging noong 2021. Wala kaming ibang makitang dahilan kundi ang seabed quarrying na mabilis na nagresulta sa pagguho ng mga buhangin sa dalampasigan papunta sa laot. Mas naging bulnerable ang mga kabahayan dahil unti-unting gumuho ang pundasyon ng mga ito,” ayon kay Ronnel Arambulo, Vice Chairperson ng Pamalakaya at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.