Anakbayan, kinundena ang napipintong tanggalan ng Move It rider
Umaabot sa 14,000 drayber ng motorsiklo ang napipintong mawalan ng trabaho matapos ilabas ng Land Transportation and Regulatory Board ang desisyong magpapataw ng “rider cap” o paglilimita sa bilang ng mga rider sa kumpanyang Move It. Ang kumpanya ay isa sa mga motorcycle taxi service na may operasyon sa Metro Manila.
Binatikos ng Anakbayan ang desisyon at kinundena ang kawalang plano ng estado para tiyakin ang trabaho ng mga manggagawa laban sa mga biglaang pagkawala ng kanilang kabuhayan.
“Isa na naman itong pagkakataon kung saan pinili ni Marcos Jr ang interes ng malalaking korporasyon sa halip na ang kapakanan ng uring manggagawa,” ayon sa grupo. “Ang kakulangan ng mga oportunidad sa trabaho at sapat na sahod ay isang malinaw na patunay kung paano binabalewala ng gubyerno ang mga manggagawang Pilipino.”
Ang paglitaw ng mga motorcycle taxi tulad ng Move It ay salamin ng mas malawak na pagkukulang sa sektor ng transportasyon, ayon sa grupo. Ang pagtaas ng pagsandig ng manggagawang Pilipino sa mga impormal na trabaho, tulad ng pagiging rider, ay dulot ng kakulangan ng regular na trabaho sa bansa.
“Sa halip na mamuhunan sa lokal na agrikultura at mga industriya na makapagbibigay ng istableng trabaho, itinutulak ng gubyerno ang mga manggagawa sa mga di regular na mga trabaho,” ayon sa grupo.