Balita

Apela para ipawalambisa ang dagdag-pasahe sa LRT1, tinanggihan ni Marcos

,

Nagsampa ng “notice of appeal” at “memorandum of appeal” ang iba’t ibang mga grupo sa Office of the President ngayong araw, Marso 31, upang ipawalambisa ang taas-pasahe sa LRT1 na planong ipatutupad sa Abril 2. Nakatakdang itaas ang minimum na pamasahe sa LRT at MRT nang ₱5, mula ₱15 tungong ₱20, na ipinaprubahan ng Department of Transportation mula sa petisyon ng Light Rail Manila Corporation (LRMC).

Ang apela ay isinampa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kilusang Mayo Uno, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide, Kalipunan ng Damayang Mahihirap, Anakbayan, at PARA Advocates for Inclusive Trasport. “Ang Pangulo ang may awtoridad para ihinto ang fare increase,” ayon kay Renato Reyes Jr, presidente ng Bayan.

Dagdag sa pagtigil ng taas-pasahe, ipinanawagan ng mga grupo na utusan ni Marcos ang Department of Transportation na isapubliko ang naging batayan sa pagtataas ng pasahe, at repasuhin at ibasura ang disbentaheng kasunduan sa LRMC.

Ayon sa kontrata ng pribatisasyon ng Gubyerno ng Pilipinas at LRMC na pinasok noong 2014, maaaring humingi ng 10.25% dagdag-pasahe ang LRMC kada dalawang taon at kapag ito ay hindi naaprubahan ay kailangan silang bayaran ng gubyerno. Giit ni Reyes, labis na disbentahe ang naturang kontrata sa gubyerno at sa mga komyuter.

Ilang oras lamang mula nang inianunsyo ng mga grupo ang pagsasampa ng apela, kaagad na itong ibinasura ng Malacañang sa pamamagitan ng pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro. “Hindi pa nga nababasa ng Palasyo ang ating Memorandum on Appeal kontra sa LRT fare hike, rejected na agad?” patutsada ni Reyes.

Pagdadahilan ni Castro, hindi na ito mapahihinto ni Marcos dahil sa kontrata. Tugon dito ni Reyes, “ang kontrata nga mismo ang binabatikos natin kasi binigyan nito ng garantiya ang kita ng pribadong kumpanya at the expense of the commuters and taxpayers.” Dagdag pa niya, hindi dahil nasa kontrata ay makatarungan na ang pagtataas ng pasahe.

“Tungkulin ng gubyerno na protektahan ang publiko laban sa pagsasamantala ng mga pribadong kumpanya. Kasama dito ang pagbasura sa mga di makatarungang kontrata at pagtaas ng singil sa pasahe,” aniya.

Ang LRMC ay pinatatakbo ng Metro Pacific Light Rail Corporation ni Manny V. Pangilinan at AC Infrastructure Holdings Corp (subsidyaryo ng Ayala Corporation) ng mga Ayala.

AB: Apela para ipawalambisa ang dagdag-pasahe sa LRT1, tinanggihan ni Marcos