Balita

Araw ng mga Guro, ipinagdiwang sa mga protesta, pagkilos at pagtitipon

Mula Luzon hanggang Mindanao, ipinagdiwang ng mga unyon ng guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang Araw ng mga Guro sa iba’t-ibang pagkilos, aktibidad at pagtitipon noong Oktubre 4. Panawagan nila sa araw na ito ang makabuluhang dagdag sweldo, sapat na benepisyo, pagbabasura sa Matatag Curriculum at pagpapatigil sa mga pag-atake at paglabag sa mga karapatan ng mga guro at mga kawani.

“Ngayong Pandaigdigang Araw ng mga Guro, ipinapakita namin ang pagkilala at pagpupugay sa sangkaguruan sa pamamagitan ng sama-samang paniningil sa patuloy na kapabayaan ng estado sa sektor ng edukasyon at patuloy na pagpapahirap sa mga guro, kawani, at kabataang Pilipino,” pahayag ni Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT.

“Kaakibat nito ang ating laban para sa sapat na pondong mag-aangat sa kalidad ng edukasyon, disente at nakabubuhay na sahod para sa mga guro at kawani, tiyak na pondo para sa dagdag-benepisyo at maayos na kalagayan sa paggawa, pagbabasura sa palpak na MATATAG curriculum at pagsusulong ng makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon, at pagtigil sa panunupil ng estado at pagtataguyod ng ating mga demokratikong karapatan.”

Sa Metro Manila, daan-daang guro ang nagtungo sa Mendiola para sa isang “story telling protest.” Sinalaysay nila sa pamamagitan ng pagsasadula ng isang “satire” o kwentong gamit ang nakatatawang mga elemento, ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga guro at ang kanilang agarang mga pangangailangan.

Tampok sa dulang pinamagatang “Si Teacher at ang mga Kontrabida sa Teacherlandia” ang mga karakter na sina Alamano Alimango na kumatawan kay Ferdinand Marcos Jr, Shimenet Pusit na patungkol kay bise presidente at dating DepEd secretary Sara Duterte; at Impeng Matsing, na ang imperyalismong US. Ang tatlong ito ang tinukoy ng mga titser na salarin sa mababang sweldo at kakulangan ng benepisyo, mababang badyet sa edukasyon, kolonyal na oryentasyon ng sistema sa edukasyon at panunupil ng estado sa sektor. Sa dulang ito, ipinakita ang paggapi ng mga guro sa tatlong salarin sa pamamagitan ng kanilang kolektibong aksyon.

Bago nito, naglunsad ng kilos protesta ng ACT Teachers Partylist at ACT-Philippines, kasama ang mga guro, sa Philcoa, Quezon City.

Sa Bacolod, mainit na sinalubong ng mga guro si Rep. France Castro, kasalukuyang kinatawan ng ACT Teachers Party sa kongreso at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, sa isang pagtitipon para ipagdiwang ang kanilang araw.

Nagtipon naman ang mga guro sa ilalim ng ACT-Cordillera sa Baguio Convention Center sa ilalim ng mga panawagan para sa sahod, trabaho, at progresibong pagbabago sa sektor ng edukasyon.

Nagmartsa rin ang mga guro ngayong araw, Oktubre 6, tungo sa Comelec sa Pasay City para magsumite ng mga papeles sa pagtakbo sa eleksyong party-list sa 2025 ng ACT Teachers.

AB: Araw ng mga Guro, ipinagdiwang sa mga protesta, pagkilos at pagtitipon