Araw ng mga Walang Lupa, ginunita sa Bicol

, ,

Mahigit 30 sasakyan at daan-daang magsasaka at kanilang mga tagasuporta ang naglunsad ng Caravan of the Landless for Land, Food and Justice noong Marso 25-30 sa Bicol. Pinangunahan ito ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB) at nilahukan ng mga partylist na Anakpawis, Bayan Muna, Gabriela, ACT Teachers at Kabataan.

Nilibot ng karaban ang 41 bayan at limang syudad sa rehiyon at nagkaroon ng mga programa sa bawat tinitigilang syudad. Bitbit nila ang mga panawagan para sa libreng pamamahagi ng lupa; pagkain, kabuhayan at karapatan para sa lahat; ayudang sapat, pagbasura sa NTF-Elcac, at iba pa.

Lumundo ang karaban sa paggunita sa Global Day of the Landless (Pandaigdigang Araw ng mga Walang Lupa) noong Marso 29. Ayon kay Bert Autor ng KMB, pangunahing hinaing ng mga magsasaka sa rehiyon ang kawalan ng lupa, gayundin ang kawalan ng subsidyo sa produksyon. Dagdag niya, sa datos ng Department of Agriculture na 13.5 milyong magsasaka, 12.5% lamang ng bilang na ito ang nakatanggap ng ayuda.

Inilunsad rin noong araw na iyon ang iba’t ibang anyo ng protesta ng mga progresibong organisasyong magsasaka sa Lupang Ramos sa Cavite, sa Albay, Pangasinan at sa pambansang upisina ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City.

Sinimulang gunitain ang Global Day of the Landless noong 1995 sa pangunguna ng Asian Peasant Coalition upang pagkaisahin ang iba’t ibang kilusan ng mga mamamayan ng kanayunan na walang lupa. Kaisa rin nila ang mga tagapagtaguyod ng karapatan sa lupa upang itambol ang pakikibaka para sa lupa sa mahihirap na bansa.

Ngayong taon, nakiisa sa Global Day of the Landless ang 110 alyansa, institusyon at organisasyong pang-magsasaka mula sa iba’t ibang kontinente, karamiha’y sa Asia at Africa.

Ayon sa Pesticide Action Network (PAN) Asia Pacific, ang nagdaang dekada ay kinakitaan ng tuluy-tuloy na pagtindi ng malawakang pangangamkam ng lupa sa pangunguna ng pinakamalalaking korporasyon at mga kapitalistang gubyerno.

Sa ng Pilipinas, makikita ito sa walang tigil na ekspansyon ng mga kapitalistang plantasyon ng saging, pinya, mais at oil palm. Kabilang rin sa mga nangunguna sa pag-agaw ng lupa ay ang dambuhalang mga kumpanya sa mina. Dahil sa mga ito, buu-buong komunidad ng mga magsasaka at katutubo ang pinalalayas sa kanilang mga sakahan at lupaing ninuno.

Sa ulat ng International Land Coalition at Oxfam noong 2020, inihayag na aabot sa 70% ng mga sakahan sa mundo ay pinatatakbo lamang ng 1% ng mga nagmamay-ari ng lupa. Pinatitingkad nito ang lumalaking bilang ng mga magsasakang walang lupa na matatagpuan sa mahihirap na bansa.

Dagdag pa ng PAN Asia Pacific, mayroong bagong bugso ng pangangamkam ng lupa dulot ng pamumuhunan sa ngalan ng pagsawata sa climate change. Kabilang sa mga ito ang pamumuhunan sa mga “sakahan” at “likas na kapital” (tulad ng kagubatan, dagat, mineral, lupa, biodiversity), pagkahumaling sa biofuel at pangangalaga sa kalikasan bilang pagbalanse umano sa carbon dioxide. Ang ganitong mga pakana ay may basbas ng United Nations Food Systems Summit at nagresulta sa kawalang pananagutan, patuloy na pandarambong ng mga mapanakop, at lumalaking ganansya.

AB: Araw ng mga Walang Lupa, ginunita sa Bicol