Asembleya ng Makabayan-Central Luzon, inilunsad sa Pampanga
Nagtipon ang mga myembro at partido ng Makabayan-Central Luzon sa San Fernando, Pampanga noong Enero 27 bilang paghahanda sa darating na eleksyong 2025. Pinagtibay sa pagtitipon ang kahandaan ng koalisyon na makipagtagisan sa kampanyang elektoral para ipaabot sa mamamayan ang adyenda para sa kagyat na ginhawa para sa taumbayan at kasarinlan ng bansa.
Dumalo sa asembleya ang ilan sa mga kandidato pagkasenador ng Makabayan. Nagbigay ng talumpati sa pagtitipon sina Jerome Adonis, Mody Floranda, Liza Maza, Alyn Andamo, Daning Ramos, at Teddy Casiño.
“Kasama ang mga kumakandidatong senador ng Koalisyong Makabayan at mga progresibong partylist sa pagpapatambol sa panawagan ng sambayanan. Sila ang katuwang ng mamamayan sa paggiit ng libreng edukasyon, disenteng trabaho, makatarungang sahod, lupa para sa magsasaka, at hustisyang panlipunan,” pahayag ng Makabayan-Central Luzon.
Binati ni Maza, presidente ng Makabayan, ang matagumpay na panrehiyong asembleya ng Makabayan-Central Luzon. Aniya, “malakas ang loob ng Makabayan na lumaban ngayong 2025 midterm elections dahil ang alas natin ay ang pambansa-demokratikong programa.”
Dagdag pa niya, hindi lang sa pagitan ng kadiliman at kasamaan ang pagpipilian ng taumbayan dahil mayroong mga kandidatong makabayan.
Upisyal na magsisimula ang kampanya sa eleksyon sa Pebrero 11 para sa mga kandidato sa pambansang-antas at sa Marso 28 sa lokal na pusisyon. Sa harap nito, tuluy-tuloy at buong pagsisikap nang nagbabahay-bahay ang mga boluntir at kampanyador ng Makabayan para abutin ang pinakamaraming bilang ng mamamayan at pakilusin sila para sa kanilang kagalingan.