Balita

Bagong CBA, naipanalo ng mga manggagawa sa Daiwa Seiko Philippines

,

Isang araw matapos ang nag-anunsyo ng planong welga ang mga manggagawa ng Daiwa Seiko Philippines Corporation, kaagad nakipagkasundo ang kapitalista ng kumpanya sa Malayang Unyon ng DSPC-Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture-Kilusang Mayo Uno (MUDSPC-OLALIA-KMU) sa isang bagong collective bargaining agreement (CBA) na naunang inantala at binarat ng kumpanya. Bumoto pabor sa welga ang unyon noong Nobyembre 12 at pinirmahan ang CBA noong Nobyembre 13.

Nakakuha ng 179 na botong “yes” ang unyon at isang “no” para sa welga dahil sa pambabarat ng kapitalista sa kanilang CBA. Nagkaroon rin ng kilos protesta sa pagawaan ang unyon sa araw na iyon. Bago nito, halos linggo-linggo ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa sa pangunguna ng unyon.

Bunga ng mga pagkilos, nakamtan nila ang dagdag-sahod, iba pang mga benepisyo at karapatan. Nakuha nila ang tig-₱50 umento para sa 2024 at 2025 habang tiniyak rin ang ₱21 dagdag sahod alinsunod sa pagtaas ng minimum na sahod sa Region IV-A na atas ng gubyerno.

Naipanalo ng unyon ang ₱47,000 signing bonus. Natiyak rin ng unyon ang seguro sa pagreretiro, pagkakasakit, at kamatayan ng manggagawa. Nakasaad rin sa kasunduan na ipatutupad sa CBA ang iba pang mga napag-usapan sa antas ng planta at sa National Conciliation and Mediation Board.

Sa pagkakabuo ng CBA, nalutas na rin ang inihain na Notice of Strike at pagboto para sa welga ng unyon. “Tagumpay ‘pag sama-sama at nasa tamang pag[panawagan] sa kapitalista,” pahayag ng isang manggagawa ng kumpanya.

Ang Daiwa Seiko ay lumilikha ng mga pyesang plastik at mga parte ng sasakyan. Ang pagawaan ng mga kumpanya ay matatagpuan sa loob ng Laguna International Industrial Park sa Biñan, Laguna.

AB: Bagong CBA, naipanalo ng mga manggagawa sa Daiwa Seiko Philippines