Balik senador na si Kiko Pangilingan, hinamon na ibasura ang Rice Liberalization Law
Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa balik senador na si Francis Kiko Pangilinan na kaagad itulak ang pagbabasura sa Rice Liberalization Law (RLL o RA 11203) na pasakit sa mga magsasaka sa bansa. Sa panahon ng kampanya, pinakikilala ni Pangilinan ang kanyang sarili bilang isang “magsasaka” at tagapagtaguyod ng seguridad sa pagkain.
Ayon kay Danilo Ramos (Ka Daning), tagapangulo ng KMP at tumakbong senador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, matagal nang kinakailangang ibasura ang RLL. “Binigo nito kapwa ang mga magsasaka at konsyumer. Pinahintulutan nito ang pagdagsa ng imported na bigas, hinila ang presyo ng palay, at tuluy-tuloy na binakbak ang lokal na industriya ng bigas,” aniya.
Dagdag ng lider-pesante, ang mga pangakong benepisyo ng batas na mas mababang presyo ng bigas sa merkado at mas mataas na kompetisyon ay hindi natupad. Patuloy umanong dumadanas ng pagkalugi ang mga magsasaka habang ang mga mamimili ay patuloy na nakararanas ng pabago-bagong at tumataas na presyo.
“Mahigit anim na taon mula nang ipatupad ito, malinaw na nabigo ang RLL sa pagtupad ng mga pangako nito,” aniya. Pagdidiin niya, “naging mas malala pa ang krisis sa bigas mula nang ipatupad ang Rice Liberalization, at alam ito ni Senator Kiko.”
Lumobo ang importasyon ng bigas mula 2 milyong metriko tonelada noong 2018 tungkong halos 4.8 milyong metriko tonelada noong 2024. Sa kabila ito ng datos na bumaba ang bilang mga kumpanyang nag-iimport mila sa 217 tungong 154. Naging mas konsentrado sa kamay ng 10 kumpanya ang kabuuang 40% ng importasyon. Ang Pilipinas ay inaasahang mananatili bilang nangungunang importer ng bigas sa buong mundo hanggang sa 2026.
Dahil sa RLL, tumindi ang pagsalalay ng Pilipinas sa importasyon ng bigas. Mula sa tantos na 14% na importasyon noong 2018, sumipa ito tungong 23% noong 2022. Kasabay nito, 6,000 gilingan ng palay ang nagsara noong 2019 lamang, taon na isinabatas ang RLL.
Ang RLL ay inakda ng burgesyang kumprador at burukratang kapitalista na si Sen. Cynthia Villar, pinirmahan ni Rodrigo Duterte at ipinagpatuloy ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr.