Bangkay ng nawawalang Pulang mandirigma sa Batangas, natagpuan na

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Iniulat ng grupo sa karapatang-tao na Tanggol Batangan na natagpuan na ang bangkay ng nawawalang Pulang mandirigma na si Baby Jane Orbe noong Pebrero matapos ang matagal na paghahanap ng mga kaanak at mga grupo sa karapatang-tao. Si Orbe ay naiulat na nawawala noong Disyembre 17, 2023 kasunod ng pag-atake ng pinagsanib na pwersang militar at pulis sa pansamantalang himpilan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Batangas sa Barangay Malalay, Balayan, Batangas.

Ang katawan ni Orbe ay natagpuan sa isang tubuhan sa Barangay Malalay noong Pebrero 14. Sa araw na iyon, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng isang bangkay na natagpuan sa loob ng tubuhan. Sa kalagayan ng kalansay na ito, hindi na posible ang pagtukoy ng identidad ng katawan maliban sa pamamaraan ng pagsailalim sa DNA testing. Gayunman, batay sa mga sirkumstansya–lugar kung saan natagpuan ang katawan, istatus ng dekomposisyon at tama ng mga bala, pisikal na katangian tulad ng taas (height), tinukoy ito ng grupo at mga kaanak bilang labi ng nawawalang si Orbe.

Sinimulan ng grupo ang serye ng paghahanap kay Orbe noong Enero 24. Hinalughog at sinuyod nila ang mga kampo ng militar, mga ospital, at ang lugar na pinangyarihan ng insidente ngunit hindi natagpuan ang Pulang mandirigma.

Noo’y pinaniniwalaang nasa kamay ng 59th IB si Orbe kasunod ng ulat ng BHB-Batangas na nasugatan siya sa pag-atake ng militar at pulis sa Barangay Malalay. Hindi siya natunton ng mga grupo sa karapatang-tao noong Disyembre 2023 dahil hindi kabilang ang kanyang bangkay sa ipinrisenta ng militar na mga pinaslang nito.

Mabibilang si Orbe sa mga martir ng Balayan. Kasama niyang namartir sina Maria Jetruth Jolongbayan (Ka Orya), Alyssa Lemoncito (Ka Ilaya), Precious Alyssa Anacta (Ka Komi), Joy Mercado (Ka Kyrie), at Leonardo Manahan (Ka Mendel). Napatay din sa pang-aatake ng militar ang mga sibilyang sina Pretty Sheine Anacta at Rose Jane Agda na noo’y bumibisita sa kaanak nilang Pulang mandirigma.

Binatikos noon ng mga grupo sa karapatang-tao ang patung-patong na paglabag sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa pakikidigma ng 59th IB kaugnay sa ginawang pambababoy at paglapastangan nito sa mga bangkay ng mga biktima.

AB: Bangkay ng nawawalang Pulang mandirigma sa Batangas, natagpuan na