Bisita ni Hegseth sa Pilipinas, pagtutulak ng mapandigmang adyenda ng US
Sinalubong ng protesta ng mga progresibong grupo ang bisita ng bagong kalihim sa depensa ng US na si Peter Hegseth ngayong araw, Marso 28. Nasa bansa si Hegseth hanggang bukas, Marso 29, para pulungin ang mga upisyal sa depensa at militar ng Pilipinas para itulak ang mapandigmang adyenda ng US sa Pilipinas at sa rehiyon ng Asia.
“Ang pagbisita ni Hegseth ay… isang kalkuladong hakbang sa nagpapatuloy na kampanya ng Washington (US) para kubkubin at sulsulan ang China,” pahayag ng National Democratic Front of the Philippines. Sadya nitong inilalatag ang mga kundisyon para sa di-maiiwasang pag-arangkada ng sigalot na kakaladkad sa Pilipinas sa isang gerang may pakinabang lamang sa US, anito.
Ang bisita ni Hegseth ay kasabay ng paglulunsad ng war games na SABAK (pinagsamang Salaknib at Balikatan) na nagsimula noong Marso hanggang Abril 11, at muli sa Mayo 19 hanggang Hulyo 20. Ilulunsad ang matatagal at malakihang mga war games na ito sa mga teritoryo malapit sa Taiwan, gayundin sa West Philippine Sea para painitin ang tensyon sa pagitan nito at ng karibal nitong China, gamit ang sigalot sa karagatan ng Pilipinas at China. Bahagi ng mga war games na ito ay gagawin sa Bulacan, Nueva Ecija at Zambales.
Nakatakdang isalang sa Balikatan ang bagong-bili ng AFP mula sa Israel na Spyder mobile air defense system gamit ang mga abanteng misayl at bomba tulad ng Rafael Spike NLOS, C-Star surface-to-surface missile ng South Korea, at gawang-France na Mistral 3 surface-to-air system. Tulad sa nakaraan, isasagawa ang pagpapalubog ng barko na tiyak na gagambala na naman sa karagatan at kabuhayan ng mga mangingisda kung saan ito isasagawa.
Tiyak ring adyenda ni Hegseth ang kunwa’y modernisasyon ng AFP, na sa simula ng termino ng pangalawang administrasyon ni Donad Trump, ay hindi isinama sa mga programang pinutulan ng pondo (funding freeze).
“Ang totoo, bahagi ito (modernisasyon) sa malawak na estratehiya para gawing auxiliary force ng US ang AFP sa isang todo-digmaan sa China,” ayon sa NDFP. “Habang ang alitan sa karagatan sa China ay usapin ng pag-angkin ng teritoryo at rekurso, malayong mas mahigpit ang kontrol ng US sa ekonomya, kultura, pulitika at militar ng Pilipinas…”
Sa pagpapalakas ni Hegseth sa ugnayan nito sa papet na rehimen ni Ferdinand Marcos Jr, isinasangkot din nito ang US sa malawakang paglabag ng rehimen sa karapatang-tao ng mamamayan, laluna sa ilalim ng kunwa’y kampanya kontra-insurhensya.
Nakiisa ang NDFP sa mamamayang Pilipino sa pagkontra sa pagbisita ni Hegseth sa bansa.
“Hindi katanggap-tanggap ang pagpayag sa mga tropa ng US na magsagawa ng mga operasyong militar sa tabing ng pagsasanay sa lupain ng Pilipinas,” anito. “Sa gitna ng mga pagsasanay sa digma na ito, patuloy na ipagtatanggol ng mga pwersang rebolusyonaryo ang mga komunidad ng sibilyan na naaapektuhan ng mga operasyong militar na ito.”