Dante Simbulan, 94, makabayang sundalo ng mamamayan
Pinarangalan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at iba pang demokratikong organisasyon sa Pilipinas at ibayong dagat si Dante C. Simbulan, isang makabayang sundalo ng mamamayan at tagapagtaguyod ng rebolusyong Pilipino. Pumanaw si Simbulan noong Oktubre 12 sa Fairfax County, Virginia sa edad na 94.
“Ipinapaabot namin ang pinakataimtim na pakikiramay kay Patti, kanilang mga anak, pamilya, kaibgan at kasama–nawa’y makahanap kayo ng lakas at kapayapaan sa legasiyang iniwan ni Dante,” pahayag ng NDFP-International Office.
Si Simbulan ay ipinanganak noong Mayo 3, 1930 sa San Simon, Pampanga. Nagtapos siya sa Philippine Military Academy (PMA) bilang bahagi ng Class of 1952. Nagsilbi siyang kapitan ng Philippine Army na itinalaga para lumaban noon sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB). Namulat ang kanyang rebolusyonaryong diwa nang malantad sa kanya ang mga inhustisyang panlipunan at panunupil ng pinagsisilbihan niyang institusyon.
Nang naging instruktor sa PMA, inimbita niya si Jose Maria Sison na magbigay ng lektura noong 1966 tungkol sa mersenaryong tradisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Naging guro siya ng ilang mga sundalong naging rebolusyonaryo tulad nina Lt. Crispin Tagamolila at Lt. Victor Corpuz, kapwa tumalikod sa reaksyunaryong estado at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan noong panahon ng diktadurang Marcos. (Namartir bilang Pulang mandirigma si Tagamolila habang muling bumaliktad at bumalik sa AFP si Corpuz noong 1986.)
“Tinahak ni Dante ang hindi pangkaraniwang landas–mula sa pagiging isang kilalang upisyal ng AFP tungong isa sa pinakamabagsik na kritiko ng institusyong minsan niyang pinaglingkuran,” ayon pa sa NDFP International Office.
Dahil sa pagpanig sa mamamayang Pilipino, ikinulong si Simbulan noong 1974 hanggang 1977 sa Camp Bonifacio at Camp Crame nang walang kaso. Nadistyero siya sa US noong 1980 at doon niya ipinagpatuloy ang kanyang pakikibaka. Nagsulat siya ng mga libro habang naroon at naging katuwang sa pag-oorganisa ng mga kapwa Pilipino. Isa siya sa mga nagtatag ng Malaya Movement USA, na ngayo’y marami ng balangay sa buong US.
“Sa pamamagitan ng kanyang mga akda, walang tinag niyang inilantad ang mga ugat ng kahirapan at hindi pagkakapantay-panay at korapsyon ng naghaharing uri, at nagbigay sa mga susunod na henerasyon ng kabang-yaman ng karunungan para ipagpatuloy ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya,” ayon sa NDFP.
Dahil dito, kinikila siya ng iba’t ibang personahe at organisasyon bilang isang tunay na makabayan, sundalo ng mamamayan, at isang rebolusyonaryo.